Pinayagan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang hanggang anim na buwang palugit sa pagbabayad ng utang para sa mga apektadong borrower, kasunod ng tumitinding epekto ng krisis sa enerhiya na inuugnay sa tensyon sa Middle East.
Aprubado sa ilalim ng Monetary Board Resolution No. 296 na may petsang April 8 ang mga pansamantalang relief measure para sa mga bangko at kanilang kliyente.
Sa ilalim ng patakaran, maaaring bigyan ng grace period na hanggang anim na buwan sa mga borrower na naapektuhan ang kakayahang magbayad. Para naman sa sektor ng agrikultura, maaaring i-defer ang loan payments ng hanggang isang taon, depende sa assessment ng bangko.
Kasama rin sa mga hakbang ang pansamantalang hindi pagbilang sa mga loan bilang past due o non-performing loan sa loob ng hanggang isang taon, basta sumunod sa reporting requirements ng BSP.
Ayon sa BSP, layunin ng mga hakbang na ito na suportahan ang pagpapautang ng mga bangko at tulungan ang mga borrower na makabangon mula sa epekto ng krisis sa enerhiya.
“BSP-supervised financial institutions are expected to exercise prudent judgment… and to ensure that relief is extended only to borrowers whose repayment capacity has been materially affected by the energy emergency,” ayon sa BSP.
Dagdag pa ng BSP, dapat manatiling “targeted, proportionate, and consistent with safe and sound banking practices” ang paggamit ng relief measure.
Hinimok din ng BSP ang mga bangko at financial institutions na magbigay ng dagdag na tulong sa publiko sa pamamagitan ng pansamantalang pag-waive ng fees sa online banking at e-money services, kabilang ang InstaPay at PESONet transfers.
Ayon sa BSP, makakatulong ang mas murang digital transactions para mabawasan ang gastos ng mga kliyente, lalo na sa pagbiyahe papunta sa mga bangko at payment centers.
Ang mga hakbang ay ipinatupad kasunod ng deklarasyon ni Ferdinand Marcos Jr. ng state of national energy emergency sa pamamagitan ng Executive Order No. 110 na nilagdaan noong Marso 24. /Bistado


