Hindi dapat ganito ang itsura ng batas.
Kapag mahirap ang hinahanap ng warrant, mabilis ang kilos ng estado. May raid. May posas. May litrato. May press briefing. Pero kapag senador ang hinahanap, biglang bumabagal ang lahat. Biglang may courtesy. Biglang may proseso raw na kailangang igalang.
Ang Senado ay hindi lungga. Hindi ito parking area ng takot. Hindi ito taguan ng sinumang ayaw humarap sa pananagutan. Kapag ginamit ang mataas na kapulungan para harangin ang pag-aresto, hindi lang isang senador ang pinoprotektahan. Binababoy ang mismong institusyon.
Mas malinaw pa ang sinabi ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima: “Ang protective custody ay hindi para pagtakpan o patakasin ang aarestuhin. Malinaw: may mga duwag at kasabwat ng duwag sa pananagutan.”
Iyan ang punto. Kung totoong nasa “protective custody,” bakit nakalabas? Sino ang nagbantay? Sino ang huling nakakita? Sino ang pumayag? Sino ang nagpalusot?
Hindi sapat ang sabihing nagkaroon ng kalituhan. Kapag ang taong nasa sentro ng International Criminal Court (ICC) warrant ay biglang wala na sa gusali, hindi iyon clerical error. Pulitika iyon. Kapangyarihan iyon. Posibleng pagtatakip iyon.
Kaya dapat ilabas ang security logs. Ilabas ang CCTV. Ilabas ang written orders. Ilabas ang report ng Sergeant-at-Arms. Kung may tumulong, pangalanan. Kung may nagpabaya, panagutin. Kung may nagkubli, ilantad.
Si Dela Rosa ay hindi simpleng pribadong tao. Siya ang dating hepe ng Philippine National Police noong panahon ng madugong drug war. Siya ang mukha ng kampanyang kumitil ng libu-libong buhay at ngayon ay sinusuri ng ICC.
Kaya ang bawat kilos para ilayo siya sa proseso ay hindi ordinaryong political favor. Para itong isa pang sampal sa mga pamilyang naghahanap pa rin ng hustisya.
Hindi dapat maging kanlungan ng takas ang Senado. Hindi dapat gamitin ang dignidad ng institusyon para tabunan ang takot ng isang tao. Kung inosente, humarap. Kung may depensa, ilatag. Kung mali ang warrant, labanan sa tamang forum.
Pero ang magtago sa likod ng kapwa senador ay hindi tapang. Iyan ang itsura ng kapangyarihang takot masilip.
Sa huli, ito ang tanong: Senado pa ba ito o safehouse?
Hindi dapat maging ruta ng pagtakas ang “protective custody.” Kapag may pananagutan, humarap sa batas.
Hustisya ang dapat huling salita, hindi pagpapaputok sa Senado tapos eeskapo. /Bistado


