Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA, tulak ang dagdag na corn MAV sa gitna ng banta sa supply

Itinutulak ng Department of Agriculture (DA) ang malaking dagdag sa minimum access volume (MAV) ng mais, mula 216,940 metriko tonelada patungong 500,000 metriko tonelada, habang pinaghahandaan ng gobyerno ang posibleng kakapusan sa supply at pagsipa ng gastos sa pakain ng hayop.

Target ng hakbang na protektahan ang livestock at poultry producers laban sa taas-presyo ng feeds, abono, logistics, at iba pang input sa agrikultura.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na nabuo ang panukala matapos ang pakikipagpulong sa mga stakeholder mula sa corn, livestock, at poultry sectors. Naisumite na ito sa MAV Management Committee, na binubuo ng mga economic manager, bago iendorso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Inendorso namin ang iminungkahing pagtaas sa MAV ng mais upang paghandaan ang posibleng kakapusan sa supply dulot ng mga banta sa panahon at tumataas na gastos sa produksyon, partikular na sa abono at lohistika na nananatiling apektado ng patuloy na hidwaan sa Middle East,” ani Tiu Laurel.

Lumalaki ang pangamba sa supply kahit hindi pa tuluyang tumatama ang problema sa lokal na ani. Nagbabala ang mga grupo sa industriya sa posibleng epekto ng mas matinding El Niño sa huling bahagi ng taon, mataas na presyo ng abono, at pag-aalangan ng ilang magsasaka na magtanim.

Noong 2025, umabot sa tinatayang 8.3 milyong metriko tonelada ang produksyon ng mais, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Sa ilalim ng panukala, ang mais na papasok sa loob ng quota ay papatawan ng mas mababang taripa na 5 porsyento. Ang lalampas sa quota ay mananatili sa 15 porsyentong buwis.

Paliwanag ng DA, patuloy ding nagpapabigat sa gastos ang galaw ng merkado ng enerhiya at shipping routes sa paligid ng Strait of Hormuz, na nagtutulak pataas sa presyo ng freight at abono.

Kritikal ang yellow corn sa feeds ng manok at livestock. Kapag sumirit ang feeds, pwede ring sumunod ang presyo ng manok, itlog, baboy, at iba pang pangunahing pagkain.

“Ang mais ay isang kritikal na input para sa poultry at livestock. Ang pagpapatatag sa presyo ng pakain ay tumutulong upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pagkain at maprotektahan ang kakayahan ng mga pamilya na makabili,” dagdag ni Tiu Laurel.

Diin ng DA, pansamantala at kontroladong hakbang lamang ito, at gagamitin lang kung kailangan sa supply situation nang hindi tinatamaan ang lokal na corn farmers. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles