Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Isa na lang, kampeon na ang Ginebra

Nagpakawala si three-time Best Import Justin Brownlee ng career-high na 54 puntos at binuhat ang Gin Kings tungo sa 100-95 panalo sa overtime at 3-2 bentahe kontra TNT sa PBA Season 50 Commissioner’s Cup finals nitong Biyernes.

Sulit ang panonood ng 18,039 fans sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City sa 128th Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Susubukang tapusin ng mga bata ni coach Tim Cone ang best-of-seven serye sa Linggo sa Big Dome pa rin, simula 7:30 p.m.

Kung kakailanganin, ang Game 7 ay sa Hunyo 17 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Umabante ang Tropang 5G ng 11 puntos sa third quarter at pitong puntos pa rin ang lamang sa kalagitnaan ng fourth quarter. Wala pang apat na minuto ang natitira, lamang sila ng 87-80 at tila maaagaw ang 3-2 bentahe sa serye.

Ngunit ginulantang sila ni Brownlee.

Sumagot ang import sa pamamagitan ng personal na 9-0 ratsada upang ibigay ang 89-87 bentahe sa Ginebra, may isang minuto at 15 segundo pang natitira.

Itinabla ni Roger Pogoy sa 89-all upang mapilitan ang overtime, ngunit nagsisimula pa lang pala si Brownlee.

Sa extra period, nagdagdag pa si Brownlee ng limang puntos upang bigyan ang Ginebra ng 96-92 kalamangan, 2:10 pang nalalabi.

Hindi na muling nakalapit ang TNT.

“I just wanted to be aggressive for my team,” ani Brownlee, na nakapagtala rin ng 14 rebounds. “TNT played very tough and very hard, but we just showed never-say-die tonight.”

Nalampasan ng kanyang 54 puntos ang dati niyang career best na 51 na naitala laban sa San Miguel noong eliminations ng Season 49 Governors’ Cup.

“I said last time we shouldn’t be so Justin-centered,” ani Cone. “And what happened next? He came out with 54. He was awesome.”

Inamin ni Cone na ang depensa ang nagtakda ng naging takbo ng laro.

“The way they’re defending us, they’re putting pressure on Justin to win the game by himself. We really had no recourse but to allow that to happen. But you do what you have to do to win,” ani Cone.

Nagsilbing pangunahing suporta si RJ Abarrientos na may 13 puntos. Nagdagdag si Japeth Aguilar ng 12 puntos, si Troy Rosario ng 10 at si Scottie Thompson ng anim.

The scores:
GINEBRA 100 – Brownlee 54, Abarrientos 13, J. Aguilar 12, Rosario 10, Thompson 6, Holt 2, Abis 2, Pinto 1, Torres 0, Cu 0, Gray 0.

TNT 95 – McCullough 38, Pogoy 23, Heading 13, Oftana 9, Castro 6, Rosser 2, Galinato 2, Nambatac 2, Williams 0, Khobuntin 0.

Quarters: 25-17; 48-50; 65-70; 89-89 (reg.); 100-95

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles