Ano ang nangyari sa Senado?
Sa isang araw, nagpalit ng liderato. Si Sen. Alan Peter Cayetano ang pumalit kay Sen. Tito Sotto bilang Senate President noong May 11, sa gitna ng inaabangang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Sa parehong araw, pumutok din ang drama kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos kumpirmahin ng International Criminal Court ang arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng drug war killings.
Kung ang layunin ng mga kaalyado ni Duterte ay pigilan o pahinain ang impeachment, parang sobra ang galaw. Sa Senate trial, kailangan ng two-thirds vote para ma-convict. Kung hawak mo ang higit sa one-third, kaya mong harangin ang conviction sa botohan. Hindi mo kailangang gawing hostage ang buong institusyon. Hindi mo kailangang sindihan ang buong gusali ng pulitika dalawang taon bago ang 2028.
Dito pumalpak ang taktika.
Mas madaling magpanggap na api. Mas madaling sabihin sa publiko na hindi patas ang proseso. Mas madaling maghintay sa trial, pakinggan ang ebidensya, tapos bumoto ayon sa pulitika. Doon pa sila puwedeng magpabida sa sariling base. Pero ang nangyari, nagmukhang takot sa paglilitis, allergic sa proseso, at desperadong iligtas ang isang kampo.
Mas lumala pa dahil sa eksena kay Bato. Ayon sa mga ulat, nag-lock siya sa opisina sa Senado matapos lumabas ang ICC warrant, at may footage pa na nagpapakitang ala-Scooby Doo siyang tumakbo at umiwas sa NBI agents bago mailagay sa “protective custody” ng mga kakampi sa Senado.
Senador ka ng republika. Gumagawa ka ng batas. Nanumpa kang igagalang ang batas. Pero sa oras ng pananagutan, bakit parang ordinaryong Pilipino lang ang dapat sumunod?
Ayon kay dating Senate President Franklin Drilon, walang malinaw na “protective custody” sa rules of court para sa ganitong sitwasyon. Ang exemption sa arrest ng senador ay para lamang sa kasong may parusang anim na taon pababa at habang nasa session ang Senado. Sa labas niyan, ang hindi pag-aresto ay mas nakasandal sa tradisyon at courtesy sa institusyon, hindi sa malinaw na immunity.
Ibig sabihin, hindi batas ang pinanghahawakan dito. Palusot ang pinanghahawakan.
At habang pinagtatalunan kung puwedeng manirahan sa Senado ang isang senador hanggang 2028, ano ang ginagawa ng ordinaryong Pilipino? Gumigising nang maaga. Sumisiksik sa jeep. Nagbibilang ng pamasahe. Nagbabawas ng pagkain. Naghahanap ng gamot. Nagbabayad ng buwis. Hindi sila mayaman para magtago sa opisina. Hindi sila makapangyarihan para humingi ng special treatment.
Subukan mong gawin iyan bilang karaniwang tao. Kapag may warrant ka at tumakbo ka, malamang posas ang kasunod. O tama ng bala. Kapag mahirap ang lumabag, mabilis ang batas. Kapag makapangyarihan ang tinutugis, biglang may courtesy, tradition, custody, at executive session.
Iyan ang nakakagalit.
Hindi ito para sa magsasakang lugmok sa mahal na abono. Hindi ito para sa manggagawang kapos ang sahod. Hindi ito para sa estudyanteng gutom sa biyahe. Hindi ito para sa pasyenteng nakapila sa ospital. Ang circus na ito ay para sa iilang pamilyang nag-aagawan ng trono.
At dito pumapasok ang impeachment ni Sara Duterte. Inaprubahan na ng Kamara ang impeachment laban sa kanya sa botong 257-25, may siyam na abstentions, dahil sa mga alegasyon ng unexplained wealth, misuse of public funds, at threats laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pa. Itinanggi ni Duterte ang mga paratang.
Dapat simple ang proseso. Iakyat sa Senado. Maglitis. Ilatag ang ebidensya. Pakinggan ang depensa. Bumoto ang senator-judges. Pero sa halip, nauwi sa liderato, kustodiya, warrant, at palakasan.
Sa ganitong lagay, muling naging hostage ng political factions ang usapin ng accountability. Ang tanong ngayon, patatakbuhin ba ang trial para sa katotohanan, o ididisenyo para sa delay o acquittal?
Ang masakit, kahit sino ang manalo sa giyerang ito, talo pa rin ang taumbayan kapag ganito ang laro. Kung BBM camp ang manalo, hindi ibig sabihin malinis sila. Kung Duterte camp ang makalusot, hindi ibig sabihin inosente sila. Ang ibig sabihin lang, nanalo na naman ang kapangyarihan laban sa pananagutan.
Nagbabalaan na ang 2028. Kung ito ang preview, mas madilim ang susunod. Budget pressure. Kaso. Resbak. Alyansa. Balimbingan. Lahat iyan posibleng umandar. At habang abala sila kung sino ang maghahari, tayo ang magbabayad sa presyo ng gulo.
Noong 2022, binenta sa publiko ang Uniteam. Ngayon, naglalabasan ang tunay na resibo. Hindi pala unity. Power sharing lang. Hindi pala governance. Hatian lang hanggang magkabistuhan.
Kaya ang tanong sa Senado: napano kayo?
Mambabatas ba kayo o bodyguards ng kapwa makapangyarihan? Impeachment court ba kayo o safehouse? Institusyon ba kayo ng republika o waiting room ng 2028?
Hindi kailangan ng bansa ng isa pang palabas. Kailangan nito ng paglilitis. Kailangan nito ng pananagutan. Kailangan nito ng Senado na hindi takot sa sariling trabaho. /Bistado


