Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Win para sa Senado?

Lubha nang napahiya ang Senado sa mga nagdaang linggo. Agawan ng poder. Habulan sa hallway. Iyakan sa plenaryo. Palitan ng liderato. Usapan ng kudeta. Imbes na mataas na kapulungan, nagmukha itong tambayan ng political drama.

Kaya ngayon, habang lumalakas ang usapang si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian ang itutulak ng minority bloc bilang susunod na Senate president, hindi maliit ang tanong: Win ba ito para sa Senado?

Sinabi ni Sen. Kiko Pangilinan na ang SB-11 o Solid Bloc 11 ay pabor kay Gatchalian bilang Senate president. Inilarawan niya si Gatchalian bilang “competent, steady, and fair.” Si Sen. Ping Lacson naman, ayon din sa ulat, nagsabing “eminently qualified” si Gatchalian dahil naghahanda ito at alam ang pinag-uusapan sa mga committee hearing.  

Hindi ito simpleng palit-upuan. Malaki ang kailangang linisin ng Senado.

All eyes na ang publiko sa institusyon habang papalapit ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Dito masusukat kung Senado pa ba ito ng Republika o entablado lang ng palakasan. Kailangan ng lider na kayang humusga batay sa ebidensya, hindi batay sa ganansya sa pulitika. Kailangan ng lider na hindi matatakot sa pangalan, apelyido, alyansa, o survey.

Hindi pwedeng puro porma. Hindi pwedeng puro arte. Hindi pwedeng ang datingan ay takbuhan, iyakan, pa-victim, at backroom deal.

Kailangan ding ituloy ang mga pagdinig at imbestigasyon sa flood control. Hindi pwedeng malunod sa Senate drama ang usapin ng bilyon-bilyong pisong proyekto habang binabaha pa rin ang mga komunidad. Kung may dapat silipin, silipin. Kung may contractor na dapat busisiin, busisiin. Kung may opisyal na dapat papanagutin, papanagutin.

Dito may dahilan kung bakit may nakikitang potential kay Gatchalian. Hindi pa man lider sa Senado halos isang dekada na ang nakaraan, hindi siya nag-atubiling sumuporta sa Free Tuition Law. Noong 2017, sinabi mismo ng kanyang opisina na naniniwala siyang maaaprubahan ang libreng tuition sa state universities and colleges. Kilala rin siyang nagmartsa kasama ang mga estudyante para itulak ang panukalang iyon. Hindi iyon maliit na marka. May panahon na pumuwesto siya sa isyung ramdam ng ordinaryong pamilya: edukasyon.  

Pero malinaw din ito: hindi sapat ang dating record. Ang Senate presidency ay hindi medalya. Trabaho ito. Bigat ito. Pananagutan ito.

Kung si Gatchalian ang maupo, kailangan niyang patunayan na hindi siya pang-transition lang, hindi pang-poster, hindi pang-ayos lang ng imahe. Kailangang makita agad ang pagbabago sa tono ng Senado. Mas kaunting drama. Mas maraming trabaho. Mas malinaw na rules. Mas seryosong pagdinig. Mas matibay na respeto sa ebidensya.

Ayon sa Inquirer, kahit may coup talk, sinabi ni Gatchalian na dapat manatiling nakatutok ang Senado sa economic concerns ng mga Pilipino. Tama iyon. Dahil habang nag-aagawan sila sa liderato, ang tao ay nagbibilang ng pamasahe, presyo ng bigas, presyo ng gasolina, at bayad sa kuryente.  

Kaya sinuman ang maging Senate president, iisa ang sukatan: ibalik ang dignidad ng institusyon. Hindi na pwede ang Senado na parang teleserye. Hindi na pwede ang lideratong abala sa survival game habang lumulubog ang tiwala ng publiko.

Win para sa Senado?

Pwede. Pero hindi dahil pangalan niya ay Win.

Mananalo lang ang Senado kung titigil ang drama at magsisimula ang totoong trabaho. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles