Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

WALKOUT LABAN SA KABULASTUGAN

Sa gitna ng garapalang pagmamadali ng Senate ajority na baguhin ang rules para sa remote participation at remote voting, tama lang na tumayo ang Senate minority, kumwestiyon, at nag-walkout. Hindi iyon arte. Hindi iyon tantrum. Iyon ang natitirang preno sa Senado na tila gustong gawing remote-control ang demokrasya.

Nag-walkout ang minority senators noong May 26 matapos ipilit ng majority ang diskusyon sa rule amendment na magpapahintulot sa remote participation at electronic voting ng mga senador. Ayon sa joint statement ng minority, may mga miyembro pa silang gustong magsalita at magtanong tungkol sa proseso, pero minadali raw ang usapan.  

Namumutawi ang malaking tanong: minamadali ba ito para makaboto si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kahit hindi humaharap? Mismong joint statement ng minority ang nagtanong kung ang rule change ba ay minamadali dahil gusto nilang makaboto si Bato, at bilang paghahanda habang may mga ulat tungkol sa posibilidad ng pag-aresto sa ilan pang majority senators.  

Sino ba namang hindi mapapa-walkout?

Kung ordinaryong empleyado ka, absent ka kapag hindi ka pumasok. Kung estudyante ka, marked absent ka kapag wala ka sa klase. Kung akusado ka at may warrant, dapat humarap ka sa proseso. Pero kapag senador na kakampi ng majority, biglang may proposal para makalahok at makaboto kahit wala sa silid?

Ang linaw naman ng galawan.

Walang may galit sa Zoom. Walang takot sa laptop. Hindi ito usapin kung marunong ba gumamit ng technology ang Senado. Ang tanong ay mas simple: gagamitin ba ang technology para sa public service, o para sa political convenience?

May ilan namang kinukumpara ang sitwasyon ni Bato at ang hiling noon na makadalo ang noo’y nakakulong na dating Senadora Leila de Lima. Pero apples and oranges comparison ito. Malaki ang diperensya ni Bato kay Leila de Lima noon. Si De Lima ay detainee na nasa kustodiya ng estado. Ang usapin noon ay remote participation sa gitna ng COVID-19 pandemic, hindi special voting privilege para sa isang taong umiiwas sa ligal na proseso. Ang resolution noon ay para makalahok sa plenary sessions, hindi para gawing absentee voting machine ang isang senador na ayaw o hindi kayang humarap.

Kaya huwag magpapaloko sa baluktot na double standard argument.

Ikulong muna ninyo si Bato. Ilagay muna sa malinaw na legal custody. Tapos pag-usapan kung anong accommodation ang patas at may safeguards. Pero habang pugante ang datingan, habang legal at political ang ulap sa kanyang presensya, bakit bibigyan ng parehong konsiderasyon? Ni hindi nga pareho, kasi gusto makaboto siya remotely. Aba naman talaga.

Remote participation was meant for emergencies, not escape routes.

Mas delikado ito dahil impeachment trial ang nakaabang. Hindi ordinaryong session ang impeachment. Dito uupo ang mga senador bilang senator-judges. Dito nila pakikinggan ang ebidensya, susuriin ang depensa, titimbangin ang kredibilidad, at boboto sa kapalaran ng isang mataas na opisyal.

Hindi iyan online raffle. Hindi iyan group chat poll. Hindi iyan “seen by senator, vote yes.”

Kapag ang isang senador-judge ay puwedeng wala sa chamber pero buo pa rin ang bigat ng boto, nawawala ang isang mahalagang bagay: visibility. Hindi lang dapat mabilang ang boto. Dapat credible ang boto. Nakinig ba siya? Nandoon ba siya? Malaya ba siya? May handler ba sa tabi? May nagdidikta ba off-camera? Saan siya bumoboto, opisina, bahay, hotel, o safehouse?

Kapag malabo ang lugar, malabo ang accountability.

Kaya bravo sa Senate minority. Kayo na lang ang pag-asa para magkaroon ng patas na Senate impeachment hearing. Kayo na lang ang natitirang harang laban sa majority na handang baluktutin pati logic para protektahan ang mga kasanggang dikit nila.

Kung ganito ang asal ng majority bago pa magsimula ang trial, paano pa kapag aktwal nang inilalatag ang ebidensya? Kung ngayon pa lang ay minamadali na ang rules, paano pa kapag conviction vote na? Kung ngayon pa lang ay parang inaayos na ang attendance para sa isang senador, paano pa kapag nakasalalay na ang accountability ng Bise Presidente?

Nakakakilabot ang preview.

At kung ganito pa rin ang magiging asal ng mga senador sa impeachment trial, baka sila na ang dapat patalsikin ng taumbayan sa susunod na halalan. Dahil ang Senado ay hindi dapat maging repair shop ng political machinery. Hindi ito dapat maging taguan, staging area, o login portal ng kapangyarihang ayaw humarap.

Mabuhay ang Senate minority. Nawawasak unti-unti ang imahe ng Senado, at kayo na lang ang saving grace. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles