Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Maritime expert: Hindi pa panahon para i-invoke ang MDT sa Bajo structures

Hindi pa umano napapanahon na i-invoke ng Pilipinas ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa United States kaugnay ng movable structures ng China sa Bajo de Masinloc, pero seryoso ang banta kung gagawin itong base ng Beijing.

Sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni maritime expert Atty. Jay Batongbacal ng UP College of Law at Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na komplikado ang isyu dahil nakatali ito sa territorial sovereignty.

Nauna nang hiniling ng Pilipinas sa China na alisin ang floating structure sa shoal. Nagprotesta rin ang Manila dahil sa pangambang maaaring bahagi ito ng plano para magtayo ng mas permanenteng outpost sa lugar.

“Basically, dahil ang issue dito ay sovereignty, medyo malaki ang obstacle sa ngayon,” ani Batongbacal.

“Hindi basta-basta nadadala sa korte ang isyu ng territorial sovereignty,” dagdag niya.

Ayon kay Batongbacal, pinag-aaralan ng government agencies ang iba pang legal options para tugunan ang kilos ng China sa lugar.

“Pero pinag-aaralan din po…kung ano pang ibang paraan para pwede silang madala sa isang tribunal,” sabi niya.

Giit niya, tunay ang pangamba dahil may kasaysayan ang China ng paggawa ng artificial island bases sa South China Sea.

Nagbabala na rin ang Philippine officials na hindi dapat maulit ang ganoong sitwasyon sa Bajo de Masinloc, na mas malapit sa Luzon kesa mainland China.

Ayon kay Batongbacal, kailangang magpasya ang Pilipinas kung ituturing bang act of aggression ang pinakahuling kilos ng China.

“Ang choice muna ay nasa atin, policy decision po yan kung i-consider natin itong latest activities nila, ang pag-conduct ng marine scientific research bilang isang act of aggression,” ani Batongbacal.

Mahalaga umano ang ganitong determination dahil ang aggression ay maaaring maging batayan ng collective self-defense.

Pero binalaan niya na sa ngayon, maaari pang maibalik ang sitwasyon sa dati kung aalisin ang mga istruktura.

“Sa ngayon dahil ang current situation ay pwede pang iatras, pwede pang tanggalin ang mga struktura doon, parang hindi pa po timely para invoke ang MDT in the sense para gamitin at tanggalin by force ang mga structure na yan,” paliwanag niya.

Nilinaw ni Batongbacal na ang MDT ay isa lamang sa maaaring gamitin ng Pilipinas sa security response nito.

“So ito ang alalahanin natin ay isa lamang instrumento at isang aspeto lamang ng ating security arrangements with other countries, particularly with the US,” ani Batongbacal.

“Pero marami din tayong security arrangements with other partners like Japan, Australia, etc.,” dagdag niya.

Mas mabigat ang banta kung tuluyang magtagumpay ang China na gawing base ang Bajo de Masinloc.

“Magiging military base ng 120 nautical miles lang from Manila, from Luzon essentially,” ani Batongbacal.

“So hindi talaga natin pwedeng tanggapin yan,” dagdag niya.

Para kay Batongbacal, kailangang maging matatag pero maingat ang tugon ng Pilipinas. Dapat gamitin ang legal, diplomatic, transparency, at security partnerships bago umabot sa puntong puwersa na lang ang natitirang opsyon.

“So ito sigurong pagkikitungo natin sa mga individual na mga partners na yan kung anong pwedeng gawin through those security arrangements,” diin niya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles