MAKATI CITY — Isang panukalang ordinansa na magbibigay ng tig-P5,000 tulong pinansyal sa lahat ng rehistradong botante sa Makati ang inihain ng tinaguriang “Makatizen 7” sa Sangguniang Panlungsod.
Sa panukalang inihain nitong Lunes, April 6, nakasaad ang balak na magbigay ng one-time emergency financial assistance sa lahat ng botante sa Makati bilang tugon sa tumitinding epekto ng global energy crisis at mga kaakibat nitong pagtaas ng presyo ng bilihin.
Kabilang sa mga nagpanukala ang mga konsehal na sina Martin Arenas, Alcine Yabut, Armand Padilla, Virgilio Hilario, Sr., Doris Arayon, Hein Angeles, at Duka Alvarez, Jr.
Ayon sa panukala, lahat ng rehistradong botante sa lungsod ang makikinabang sa ayuda, na iaayon din sa umiiral na batas, rules, at regulasyon hinggil sa pagbibigay ng tulong pinansyal.
Batay sa datos ng Commission on Elections, nasa 270,240 ang kabuuang rehistradong botante sa Makati, as of January 2025. Kung ipapatupad ang P5,000 ayuda bawat isa, tinatayang aabot sa P1.35 bilyon ang kakailanganing pondo para sa programa.
Sa datos na nakalap ng Bistado mula sa Makati City Treasurer’s Office, may sapat na kakayahan ang lungsod para pondohan ang panukala. As of February 26, 2026 kasi, aabot sa P22.4 bilyon ang naitalang savings o “amount available for appropriations/operations” ng siyudad.
Ibig sabihin, maliit na bahagi lamang ng kabuuang pondo ng lungsod ang kakailanganin para maipatupad ang panukalang tulong-pinansyal.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin, inaasahan ng mga may-akda ng ordinansa na magsisilbing agarang ginhawa ang P5,000 ayuda sa bawat Makatizen.
Ayon sa mga konsehal na naghain ng panukala, itutulak nilang matalakay ang nasabing draft ordinance sa susunod na sesyon ng Sangguniang Lungsod, para agad itong maaprubahan at tuluyang maisabatas. /Bistado


