Pansamantalang ipinagbawal ng Parañaque City Government ang pagtitinda sa ilang kalsada sa Baclaran mula November 2 hanggang 20 bilang paghahanda sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Sa pahayag nitong Linggo, November 8, nilinaw ng lokal na pamahalaan na sakop ng clearing operations ang Roxas Boulevard at service road nito, Redemptorist Road hanggang Quirino Avenue, at mga lugar sa ilalim ng Light Rail Transit (LRT).
Ayon sa City Hall, pansamantala lamang ang pagbabawal sa mga ambulant vendor at maaari silang bumalik sa kanilang mga dating puwesto pagkatapos ng summit, basta mapanatili ang kaayusan.
“Pansamantala lamang na ipinagbabawal ang ambulant vendors sa mga lugar sa saklaw ng clearing. Kinausap sila at humingi kami ng paumanhin at pag-unawa bago pa sinimulan ito,” ayon sa pahayag.
Tiniyak din ng lokal na pamahalaan na hindi permanente ang pagpapaalis sa mga tindero.
“Nilinaw rin sa kanila ng City Government na sila ay makakabalik sa kanilang mga pwesto pagkatapos ng Summit, pero dapat orderly o maayos,” dagdag nito.
Ipinaliwanag ng Parañaque LGU na pansamantala lamang ding pinayagang magtinda sa ilang bahagi ng Baclaran ang mga ambulant vendor habang hinihintay ang pagtatayo ng Baclaran Gateway Market.
Itatayo ang nasabing palengke malapit sa water channel sa tapat ng Redemptorist Church at magsisilbing permanenteng puwesto ng mga tindero sa Baclaran.
Gayunman, wala pang ibinigay na petsa ang lokal na pamahalaan kung kailan matatapos ang proyekto.
Bahagi ang clearing operations ng paghahanda ng Parañaque sa ASEAN Summit, habang tiniyak ng City Hall na makababalik sa kanilang kabuhayan ang mga apektadong tindero matapos ang pagtitipon. /Bistado


