Nagulantang ang mundo ng sports sa isang malungkot na balita noong Biyernes ng gabi.
Pumanaw na ang dating Philippine Basketball Association (PBA) player na si Peter June “PJ” Simon sa edad na 46 matapos mahirapang huminga habang naglalaro sa Davao City.
Ayon sa mga balita, dead on arrival si Simon sa San Pedro Hospital. Wala pang opisyal na pahayag sa sanhi ng pagkamatay.
Malaki ang panghihinayang ni coach Yeng Guiao matapos mapanood ang mga video, kung saan nakita ang mga nakapaligid na pinaypayan o minasahe lamang si Simon ngunit walang gumawa ng CPR (cardiopulmonary resuscitation). Wala rin stretcher nang bitbitin siya papunta sa sasakyan.
Si Guiao ang isa sa may akda ng Republic Act No. 10871 o ang Basic Life Support Training in Schools Act of 2016, na tinawag rin na Samboy Lim law.
Ito ay matapos ang nangyari kay Lim noong 2014 na halos kapareho ng kay Simon. Nabuhay pa si Lim ng siyam na taon ngunit hindi na nakalakad muli at bandang huli ay nabulag pa.

“Nasasayangan ako, nalulungkot ako. Law na ito and all it needs is implementation. But the problem is funding kaya hindi pa ma-implement,” ani Guiao sa interview ng isang pahayagan.
“’Yung nangyari kay PJ is avoidable sana. And it can happen to anyone, in malls, in our homes so dapat alam natin mag-CPR.”
Labing-anim na taon naglaro ang “Scoring Apostle” sa Purefoods/Magnolia franchise kung saan walo ang naging championship niya, kabilang ang 2014 Grand Slam sa ilalim ni coach Tim Cone. Nagretiro siya noong 2020.
“We will remember every moment, because you made each one unforgettable,” ayon sa post ng Magnolia Hotshots. “To PJ’s family and loved ones, we’re holding you close in our hearts. Maraming salamat sa lahat, PJ.”
Kasama niya ang mga kapwa retirado na rin na sina James Yap at Marc Pingris sa San Mig Super Coffee Mixers sa 2014 Grand Slam.
“Oh PJ, you left us too soon. Showed us that you can come from anywhere and become a star with hard work and perseverance,” pahayag ni Cone sa social media.
“What a humble man he was. What a great teammate. We will miss you on and off the court.”
Ipinanganak sa Makilala, Cotabato noong Hunyo 1, 1980, si Simon ay No. 43 overall pick sa 2001 PBA draft ngunit 2004 na nakapirma ng kontrata. Fourth year siya noon sa University of Mindanao sa Davao at determinadong makatapos ng pag-aaral. Naglaro muna siya para sa Davao Eagles sa dating Metropolitan Basketball Association.
Naging daan sa pag-akyat niya sa PBA si Philippine Sports Commission Chairman Patrick Gregorio, na general manager ng Davao Insular Hotel nang nakilala niya noong 2003. Ang nakababatang kapatid ni Gregorio na si Ryan ay acting coach noon sa Purefoods.
Sinabi ni Simon na handa siyang maglaro para sa P30,000 kada buwan na sweldo upang matulungan ang dalawang kapatid matapos mamatay sa sakit na cancer ang kanilang ina, dalawang taon na ang nakakaraan.
Pinaglaro muna siya sa amateur na Philippine Basketball League habang wala pang oportunidad sa PBA, hanggang sa tuluyan nang kinuha ng Purefoods franchise para sa 2004-05 season.
Naiwan ni Simon ang asawa na si Binibining Pilipinas Supranational 2018 Jehza Mae Huelar at dalawang anak.
Nag-post pa si Huelar ng mga larawan nila ni Simon nang araw na iyon, ilang oras bago ang masamang balita. Ang caption niya ay “You and me… time and again.”
May papuri rin ang isang kasamahan ng mag-asawa sa simbahan.
“What a prophetic name you have, Peter June Simon (Simon Peter) and later on, nabansagang scoring apostle.. indeed, words are powerful! The world has known you as a great basketball player, a celebrity.. Yet we are privileged enough to have known a different side of you, a preaching disciple of Jesus, a soul winner, a brother in faith. In our simple, organic, community church, there you are, never arrived liked a celebrity, sat on a monobloc chair, just like each one did. It inspired us a lot, nga grabe no? Walay imposible sa Ginoo ba, pwede gyud niya dakpon bisan asa paka nahimutang..,” ayon sa post.
Nakalagak ang labi ni Simon sa Cosmopolitan Memorial Chapel sa Davao ngunit naki-usap ang pamilya na bigyan muna sila ng pagkakataon na magluksa.
“The family of PJ respectfully requests members of the media to refrain from visiting the funeral homes where PJ is currently laid to rest. At this difficult time, the family wishes to grieve privately and spend time together away from public attention. We sincerely ask for your understanding and consideration of their need for space and privacy as they cope with this loss. We appreciate the media’s respect for the family’s wishes and thank you for your compassion and understanding,” ayon sa pahayag ng isang kaibigan ng pamilya na ipinadala ng City Information Office ng lokal na pamahalaan.


