Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Laro pa rin ito

Napakinggan natin ang apat na dating mahistrado. Nailatag ang argumento ng prosecution at defense. Pinagdebatehan ang “two-thirds of all the members of the Senate.” Nagbotohan ang impeachment court.

Hindi biro ang Konstitusyon, due process at kapangyarihan ng Senado na litisin at hatulan ang isang impeachable official.

Pero habang abala ang lahat sa legal arithmetic, mas luminaw ang isang masakit na katotohanan: laro pa rin ito ng mga nasa kapangyarihan.

Sa botong 13–1, binaligtad ng impeachment court ang fixed 16-vote interpretation. Nananatiling two-thirds ang requirement, ngunit ang denominator ay ibabatay sa mga senator-judge na legal at aktuwal na makalalahok sa final vote.

May ligal na batayan ang ruling. Kung may senador na nakakulong, tumatakas, malubhang may sakit o hindi maaabot ng Senado, lehitimong tanungin kung dapat pa rin siyang isama sa bilang.

Pero hindi lamang batas ang gumalaw. Gumalaw din ang pulitika.

Hindi ligtas sa puna ang minorya. Anim sa kanila ang hindi lumahok. Sa halip na bumoto ng “no” at ilagay sa rekord ang kanilang paninindigan, ginawa nilang political statement ang pagkawala.

Pero hindi rin ligtas ang mayorya.

Ginamit din nila ang kanilang numero para muling buksan at baligtarin ang naunang ruling. Nakita nilang ang fixed 16 ay maaaring maging hadlang sa conviction dahil sa mga senator-judge na hindi makalahok. Kaya itinulak nila ang interpretasyong magpapabago sa denominator.

Maaaring tama ang kanilang legal argument. Maaaring makatuwiran ang resulta. Pero huwag magkunwaring walang gustong political conclusion ang mayorya.

Ang minorya ay naglaro sa pamamagitan ng hindi paglahok. Ang mayorya ay naglaro sa pamamagitan ng paggamit ng bilang para baguhin ang paraan ng pagbibilang. Pareho silang may constitutional theory. Pareho rin silang may resultang gustong marating.

Ligal ang mga galaw. Ngunit hindi ibig sabihing walang pulitika. Hindi ibig sabihing hindi nilaro ang mga bagay.

Ang saving grace na lamang ay ang “pro hac vice” na limitasyon ng ruling—para sa kasong ito lamang at hindi awtomatikong precedent sa mga susunod na impeachment court.

Mahalaga iyon. Alam ng mayorya na ang barahang kapaki-pakinabang ngayon ay maaaring gamitin laban sa kanila bukas. Ngayon, nakatutulong ang mas maliit na denominator sa posibleng conviction. Sa hinaharap, maaaring sila naman ang nasa defense at sila naman ang kulang sa boto.

Kaya hindi nila ginawang permanenteng tuntunin ang kanilang baraha.

Pag-iingat iyon. Pero maaari ring basahin bilang tahimik na pag-amin: ang ruling ay hinubog para sa kakaibang kalagayan at political arithmetic ng kasalukuyang kaso.

Tingnan na lang natin ang kaso ng magkapatid na Villar.

Bumoto ng “yes” si Sen. Mark Villar kasama ng mayorya. Samantala, si Sen. Camille Villar ay sumama sa hindi paglahok ng minorya.

Sa pulitika ng mga dinastiya, mukha itong mahusay na business strategy.

Kapag nanaig ang administrasyon, may Villar sa panalong mesa. Kapag bumaligtad ang agos at lumakas ang kampo ni Duterte, may Villar din sa kabilang panig.

Hindi kailangang pumili ng pamilya. Hinati lamang ang puhunan.

Mas mabigat ang tanong dahil parehong respondent ang magkapatid sa mga reklamong kaugnay ng PrimeWater deals. Mga alegasyon pa lamang iyon, hindi hatol. Pero nang tanungin si Sen. Imee Marcos tungkol sa boto ni Mark, sinabi niya: “Alam naman natin pinagdadaanan niya.”

Aray.

Wala tayong ebidensyang may kapalit ang boto. Hindi dapat mag-imbento. Pero ipinakikita ng pahayag kung paano binabasa ng mga nasa loob ang mga galaw: may personal na panganib, alyansa at survival.

Dapat tungkol sa ebidensya at pananagutan ang impeachment. Ngunit ang mga taong hahatol ang siya ring nagdidisenyo ng daan patungo sa resultang nais nila.

Sila ang manlalaro. Sila ang referee. Sila rin ang gumagawa ng tuntunin.

Ang taumbayan ang nagbabayad sa pustahan.

Sa larong ito, nasaan ba ang pamato ng taumbayan? Kasali man lang ba tayo? /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles