Hanggang alas-12 ng hatinggabi lamang ang operasyon ng bars, karaoke venues, spas, massage parlors, internet cafés at iba pang saklaw na negosyo sa Quezon City mula November 15 hanggang 21.
Sa ilalim ng Executive Order No. 42 na nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte, kailangang sumunod ang mga establisimyentong saklaw ng SAFE Seal Ordinance bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa 49th ASEAN Summit.
Exempted ang mga fast-food chain at convenience store na bukas nang 24 oras.
Pwede ring magpatuloy lampas hatinggabi ang accommodation operations ng hotels, resorts, apartelles, tourist inns, motels, pension houses, homestays at condominiums.
Gayunman, kailangang magsara pagsapit ng hatinggabi ang mga restaurant, restobar, drinking lounge at katulad na establisimyento sa loob ng mga ito.
Inatasan din ang mga saklaw na negosyo na panatilihing gumagana ang kanilang CCTV at itago ang recordings nang hindi bababa sa isang taon.
Pangungunahan ng Business Permits and Licensing Department ang pagpapatupad, katuwang ang Department of Public Order and Security at Quezon City Police District.
Hinimok ni Belmonte ang mga negosyo at residente na ireport sa mga awtoridad o QC Helpline 122 ang anumang kahina-hinala o kriminal na insidente. /Bistado


