Tig-P10,000 cash assistance at family food packs ang matatanggap ng mga vendor at may-ari ng food stall sa Pasay at Parañaque na pansamantalang mawawalan ng kita dahil sa security measures para sa ASEAN Summit.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian nitong Miyerkules, November 11, target na maipamahagi ang lahat ng ayuda bago mag-Biyernes, November 13.
“Bagamat humihingi kami ng paumanhin sa mga naantala ang hanapbuhay dahil sa napipintong ASEAN Summit, ang direktiba ng ating Pangulo (Ferdinand R. Marcos Jr.) ay masigurado na mabigyan sila ng tulong pinansyal kasi alam natin na wala silang kikitain sa mga araw na iyon,” ani Gatchalian sa payout sa Andres Bonifacio Elementary School sa Pasay.
Sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program, unang nabigyan ng tig-P10,000 ang 30 apektadong establisimyento noong November 8, habang 50 pa ang nakatakdang tumanggap ng ayuda nitong Miyerkules.
Kabilang din sa mga benepisyaryo ang 1,300 vendor sa Baclaran, Parañaque, habang hinihintay pa ng DSWD ang pinal na listahan ng mga apektadong tindero sa bahagi ng Baclaran na sakop ng Pasay.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na maituturing na krisis ang pansamantalang pagkawala ng kabuhayan, lalo na sa mga pamilyang umaasa sa arawang kita.
“Kasi alam ninyo, yung pag-antala ng livelihood is a crisis situation. Nauunawaan natin na yung hanap-buhay importante iyan so pag hindi sila kumita ng isang araw ay maituturing natin na krisis iyon,” aniya.
Tiniyak ng DSWD na ipamamahagi ang ayuda sa sandaling makumpleto at makumpirma ng mga lokal na pamahalaan ang listahan ng mga benepisyaryo. /Bistado


