Wagi ang Creamline kontra Farm Fresh sa straight sets, 25-19, 25-18, 25-18, sa Philsports Arena sa Pasig nitong Sabado upang makuha ang No. 2 seed at ang twice-to-beat advantage sa semifinals ng PVL All-Filipino Conference Siklab Series.
Tinapos ng Cool Smashers ang kanilang three-game losing streak at nagtala sa preliminary round ng 5-3 record, kasabay ng pagpapatigil sa three-game winning streak ng Foxies.
Nagtapos din ang Choco Mucho at Farm Fresh sa 5-3 record, ngunit napunta sila sa ikatlo at ikaapat na puwesto, ayon sa pagkakasunod, batay sa quotient system.
Haharapin ng top seed na Nxled ang Farm Fresh sa semifinals sa ganap na 3:30 p.m. sa Martes, habang magtatapat naman ang magkapatid na koponan na Creamline at Choco Mucho sa ganap na 6 p.m., sa Philsports pa rin.
Tinalo ng Nxled ang ZUS Coffee, 25-21, 25-20, 20-25, 25-19, sa unang laro upang makumpleto ang 8-0 sweep.
Bagama’t natalo sila sa ikatlong set, muling ipinakita ng Chameleons ang kanilang lakas sa ikaapat na set matapos agad makalamang sa 6-1 bago tuluyang makuha ang panalo, na tinuldukan ng magkasunod na quick attack ni MJ Phillips.
Hindi rin naging madali ang panalo ng Creamline.
“Sobrang hirap ng pinagdaanan namin but we reminded ourselves to trust the system, our coaches at ang bawat isa,” pahayag ni Creamline libero Jen Nierva.
Nakuha ni Nierva ang Best Player of the Game matapos magtala ng kahanga-hangang 45 porsiyentong digging at 67 porsiyentong reception efficiency.
Ngunit bagama’t namukod-tangi siya sa depensa, naging bunga ng sama-samang pagsisikap ng buong koponan ang panalo, sa pangunguna ng mga hitter na sina Tots Carlos, Jema Galanza at Bernadette Pons, middle blocker na sina Pangs Panaga at Bea de Leon, at ace setter Jia de Guzman.
Inaasahan ng Creamline ang pagganti ng Farm Fresh matapos maagaw ang unang dalawang set, kaya tiniyak ng Cool Smashers na wala nang pagkakataon ang kalaban na makabawi.
Kumalas ang Cool Smashers mula sa tabla sa 8-all sa pamamagitan ng 4-0 run sa ikatlong set at hindi na lumingon pa.
Sa mahusay na pamamahala ni De Guzman sa opensa, patuloy na nakahanap ang Creamline ng paraan upang samantalahin ang mga butas sa depensa ng Foxies.
Pinangunahan nina Carlos at Pons ang opensa matapos magtala ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang nagdagdag naman sina Galanza, Panaga at de Leon ng siyam, pito at anim na puntos.
Bahagyang nangibabaw ang Creamline sa Farm Fresh sa attacks, 42-41, at naging dominante sa blocking department, 8-2. Ngunit mas sinamantala nila ang hindi maayos na reception ng Foxies matapos magpakawala ng 10 service ace kumpara sa bokya ng Farm Fresh.
Nagdulot din ng 18 free points para sa Creamline ang patuloy na problema ng Foxies sa kanilang first-ball reception, habang walong error lamang ang nagawa ng Cool Smashers sa buong laban.
Nagtala si Trisha Tubu ng team-high na 18 puntos, ngunit mas mababa ito sa kanyang karaniwang average dahil sa mahigpit na depensa ng Cool Smashers sa net. Nagdagdag sina Ara Galang at Ces Molina ng siyam at walong puntos, ayon sa pagkakasunod, habang apat at tatlong puntos lamang ang naitala nina Royse Tubino at Mylene Rezanova sa loob ng isang oras at 27 minutong laban.
Nagtala ang Farm Fresh ng 16-13 na kalamangan sa attacks, sa pangunguna ni Tubu.
Tinapos ng ZUS ang kanilang kampanya taglay ang 2-6 record para sa No. 8 na puwesto, mas mataas ng isang panalo sa kulelat na Galeries Tower (1-7).
Nagtapos si Phillips na may 16 puntos, habang nag-ambag sina Brooke Van Sickle at EJ Cariño ng 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod. Nagtulungan naman sina Myla Pablo at Jackie Acuña upang makapagtala ng kabuuang 14 puntos.
Nanaig ang Nxled sa attacks, 60-49, at sa blocks, 10-9.


