Muling bababa ang presyo ng produktong petrolyo simula Martes, November 24, sa bawas na P3 kada litro sa gasolina, P2.60 sa diesel at P1.60 sa kerosene.
Batay sa abiso ng Department of Energy (DOE) para sa November 24–30, saklaw ng minimum na P3 rollback ang RON 91, RON 95 at RON 97 na gasolina. Parehong P2.60 kada litro naman ang minimum na bawas sa regular diesel at Diesel Plus.
Inanunsiyo na ng Seaoil ang kaparehong mga tapyas-presyo, habang tinatapos pa ng ibang kumpanya ang kanilang lingguhang adjustments.
Kasunod ito ng rollback noong November 17 na P1.50 kada litro sa gasolina, P3.80 sa diesel at P5.80 sa kerosene.
Ayon sa DOE, nakabatay ang mga pagbabago sa galaw ng pandaigdigang merkado ng langis, sa gitna ng patuloy na mga kaganapan sa Middle East na nakaaapekto sa suplay at presyo.
Sinabi ng ahensiya na patuloy itong kumikilos upang mapatatag ang suplay ng langis at mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamimili. /Bistado


