Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

TALON SA BAGONG BUHAY – Kabanata 43

Kabanata 43: Sa harap ng lahat

“Ipinatawag ko kayo ngayon…”

Tahimik ang buong Sampaguita Hall sa Manila Hotel.

Hindi lang tahimik, parang nakahinto.

Ang mga camera, nakatutok. Ang mga reporter, bahagyang nakayuko, nakaabang sa bawat salita. May mga daliring nakahanda sa keyboard, may mga bolpen na nakaangat.

Sa tabi niya, si Jiro.

Ramdam niya ang init ng ilaw. Ramdam niya ang bigat ng sandali.

“Oo… totoo ang lumabas kagabi,” ulit ni Claire.

May marahang bulungan.

“May anak ako.”

Mas lumakas ang ingay.

“Ang pangalan niya ay Jiro.”

Tumigil siya sandali.

Tumingin sa buong hall.

Pagkatapos, mas lumalim ang boses niya.

“Opo, inaamin ko po… malaki ang papel ng aking ama, ang yumaong si Senator Luis De Dios, sa lahat ng ito.”

Biglang tumahimik ulit ang paligid.

Parang may sabay-sabay na napatingin.

“Lumaki ako sa isang pamilyang ang kapangyarihan ay hindi lamang nasa pangalan… kundi nasa kontrol.”

Diretso ang tingin niya.

“At sa mundong iyon, walang puwang ang mga desisyong hindi naaayon sa kagustuhan ng patriyarka.”

Napatingin siya sandali kay Jiro.

“Pinili kong mahalin ang isang taong hindi niya pinili para sa akin.”

Huminga siya.

“Si Ruel.”

May ilang reporter na napatingala.

May mga nag-type nang mas mabilis.

“Isang simpleng tao. Walang kapangyarihan. Walang apelyido na kayang ipantapat sa De Dios.”

Tahimik.

“Pero siya ang pinili ko.”

Mas tumibay ang boses ni Claire.

“At dahil doon…naging malinaw sa akin kung ano ang kapalit.”

Huminto siya.

“Hindi niya matatanggap ang partner ko noon, dahil hindi makontrol ni Senator Luis si Ruel.”

Sa tabi niya, napahigpit ang hawak ni Jiro sa gilid ng mesa.

“Hindi niya matatanggap ang anak na bunga ng desisyong hindi niya inaprubahan.”

Tahimik ang hall.

“May mga pagkakataon noon…” dagdag ni Claire, mas mabagal ang pagsasalita, “na hindi ko na alam kung paano ko mapoprotektahan ang anak ko.”

May mga reporter na hindi na nagsusulat.

Nakikinig na lang.

“Dumating sa punto na kailangan kong pumili.”

Saglit siyang napahinto.

“Hindi bilang Senadora. Hindi bilang anak.”

“Kundi bilang ina.”

Tahimik.

“Pinili kong ilayo ang anak ko.”

Mas mahina ang boses niya ngayon.

“Pinili kong mawala sa kanya… para manatili siyang buhay.”

Walang gumalaw.

Walang umubo.

“May mga taong tumulong,” dagdag niya. “Mga taong nag-alaga. Mga taong nagmahal sa kanya kahit wala ako.”

Saglit siyang tumingin kay Jiro.

“At isa sa kanila…ang nagbigay sa kanya ng buhay na hindi ko kayang ibigay noon.”

Huminga siya nang malalim.

“Ngayon, wala na ang ama ko.”

“Wala na ang kapangyarihang humahadlang.”

“Wala na ang takot.”

Unti-unti niyang itinaas ang kamay ni Jiro.

“At ngayon… hindi ko na siya itatago.”

Tahimik.

“Hindi na siya kwento sa likod ng batas.”

“Wala nang dahilan na magkawalay kami.”

“Tao siya.”

“Anak ko siya.”

Tumigil siya.

Tinignan ang buong hall.

“Kung bakit ko ipinaglaban ang libreng edukasyon?”

“Kung bakit ko pinilit ang ayuda para sa mga estudyanteng walang-wala?”

Bahagya siyang ngumiti.

“Dahil araw-araw, may Jiro sa bansang ito.”

Tahimik.

Mas mabigat kaysa kanina.

Mas totoo.

“Ngayon…nakatayo siya sa harap ninyo.”

Saglit na katahimikan.

May mga reporter na nakatingin lang.

May ilan na napabuntong-hininga.

May ilan na hindi na nakapagsulat.

Huminga nang malalim si Claire.

Tiningnan ang oras.

Pagkatapos, tumingin muli sa harap.

“Hindi na po ako tatanggap ng katanungan.”

Bahagya siyang yumuko.

“Salamat at magandang tanghali.” /Itutuloy sa susunod na kabanata

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles