Kabanata 42: Ang umaga ng pagbubunyag
Madilim pa ang langit nang umalis sila.
Hindi pa sumisikat ang araw.
Tahimik ang kalsada. Ang mga ilaw ng poste, pahina na. Ang siyudad, parang humihinga pa lang.
Sa loob ng sasakyan, walang tugtog.
Tanging tunog ng makina at gulong sa kalsada.
Sa likod, nakaupo si Jiro. Nakatingin sa bintana. Nakikita niya ang unti-unting liwanag sa gilid ng langit.
“Ma…” mahina niyang tawag.
Napatingin si Claire sa rearview mirror.
“Hmm?”
“Hindi pa rin po ako makapaniwala…”
Ngumiti si Claire, bahagya.
“Hindi rin ako,” sagot niya.
Saglit na katahimikan.
“Ma… ano po bang sasabihin niyo mamaya?” tanong ni Jiro.
Huminga nang malalim si Claire.
“Totoo,” sabi niya. “Walang itatago.”
Napatingin si Jiro sa kanya.
“Alam mo, anak,” tuloy ni Claire, “matagal ko nang dinadala ’to.”
“Tungkol sa akin?”
“Tungkol sa atin,” sagot niya.
Tahimik.
“Ilang taon na akong nasa Senado,” sabi ni Claire. “Lagi nilang tinatanong kung bakit ako ganun ka-pursigido sa libreng edukasyon.”
Napatingin siya sa salamin.
“Kung bakit ipinaglaban ko ang ayuda para sa mga estudyanteng walang-wala. Yung walang pambayad sa pamasahe. Yung walang pambili ng notebook. Yung minsan, hindi makapasok kasi walang baon.”
Napalunok si Jiro.
“Dahil po sa akin…” sabi niya.
Tumango si Claire.
“Dahil may anak akong ganun.”
Saglit na natahimik ang sasakyan.
“Hindi ko man nakita ang bawat araw mo…” mahina niyang dagdag, “alam kong lumalaban ka.”
Naalala ni Jiro ang mga araw sa Tatalon.
Paglalakad.
Pangangalakal.
Pagpasok sa eskwela kahit pagod.
“Ma…” sabi niya, halos pabulong. “Bakit po ako naiwan?”
Humigpit ang hawak ni Claire sa manibela.
Matagal bago siya sumagot.
“Naalala mo yung matandang babae na lumapit sa’yo?” tanong niya.
“Opo…”
“Siya ang nagdala ng sulat at singsing,” sabi ni Claire.
Napatingin si Jiro.
“Galing sa akin ’yon.”
Tahimik.
“Hindi kita kayang kunin noon,” dagdag niya. “Hindi pa ligtas.”
“Dahil kay Lolo?” tanong ni Jiro.
Tumango si Claire.
“Si Senator Luis… hindi niya matatanggap ang ama mong hindi niya kontrolado. Si Ruel.”
Napahinto si Jiro.
“Si… Papa?”
“Si Ruel,” ulit ni Claire, mahina. “Siya ang pinili ko.”
“Nasaan na po siya?” tanong ni Jiro.
Sandaling katahimikan.
“Wala na siya,” sagot ni Claire.
Napalunok si Jiro.
“Kung di kita nilayo noon,” dagdag niya, “hindi ka aabot sa ganito.”
Tahimik ang loob ng sasakyan.
Pero hindi na mabigat.
Mas malinaw na.
“Ngayon… wala na ang hadlang,” sabi ni Claire. “Kaya nandito ka na.”
Napatingin si Jiro sa kanya sa salamin.
At tumango.
—
Pagdating nila sa Manila Hotel, sumikat na ang araw.
Enggrande ang gusali.
Malapad ang hagdan sa bungad. Matataas ang haligi. Parang lumang panahon na buhay pa rin.
Huminto ang sasakyan.
“Ready?” tanong ni Claire.
Huminga si Jiro.
“Opo…”
Bumaba sila.
Isa-isang umakyat sa hagdan.
Bawat hakbang, mas bumibigat ang pakiramdam.
Pagpasok sa Sampaguita Hall, bumungad agad ang liwanag.
Camera.
Tripod.
Microphone.
Mga reporter na sabay-sabay lumingon.
“Senator!”
“Ma’am!”
“Over here!”
Napahinto si Jiro.
Hindi pa siya sanay sa ganitong dami ng mata na nakatingin sa kanya.
Hinawakan ni Claire ang kamay niya.
“Dito ka lang sa tabi ko,” sabi niya.
Tumango si Jiro.
Umupo sila sa harap.
Unti-unting tumahimik ang hall.
Lahat nakatingin.
Lahat naghihintay.
Tumayo si Claire.
Lumapit sa mikropono.
Huminga nang malalim.
Tumingin sa harap.
“Ipinatawag ko kayo ngayon…” bungad niya.
At sa sandaling iyon, wala nang babalikan ang lihim. /Itutuloy sa susunod na kabanata


