Hindi pa man tayo nakakabangon mula sa bagsik ng oil crisis, may panibagong malamig na tubig na ibinuhos ang Philippine Statistics Authority (PSA).
GDP growth: 2.8 percent.
Unemployment rate: 4.9 percent.
Inflation: 6.2 percent.
Tatlong numero. Isang malinaw na babala.
Bansot ang paglago ng ekonomiya. Dumadami ang walang trabaho. At kahit sinasabing bumabagal ang inflation, patuloy namang humahataw ang presyo ng pagkain, kuryente at iba pang pangunahing pangangailangan.
Hindi ito magandang kombinasyon.
Sa pinakahuling rebisyon ng PSA, nanatili sa 2.8 percent ang paglago ng Gross Domestic Product (GDP) noong first quarter ng 2026. May mga sektor na nagtaas ng estimate. May mga sektor na ibinaba. Pero matapos ang lahat ng rebisyon, hindi gumalaw ang headline figure.
Dalawang punto walong porsiyento pa rin.
Ito ang pinakamahinang quarterly growth mula noong first quarter ng 2021, nang nakalugmok pa ang bansa sa pandemya. Kung hindi isasama ang pandemic period, ito na ang pinakamabagal mula noong fourth quarter ng 2009.
Iyan ba ang ekonomiyang sinasabing matatag?
Hindi ito simpleng mabagal na pagtakbo. Halos gumagapang na tayo.
Habang bansot ang GDP, umakyat naman sa 4.9 percent ang unemployment rate noong June. Umabot sa 2.59 milyon ang walang trabaho—640,000 na mas marami kumpara noong June 2025.
Oo, nadagdagan din ang may trabaho. Pero dumami ang pumasok sa labor force nang mas mabilis kaysa sa kayang saluhin ng ekonomiya.
Iyan ang problema.
Maraming gustong magtrabaho. Kulang ang trabahong naghihintay.
At kahit may trabaho, hindi nangangahulugang sapat ang kita. Nasa 6.11 milyong manggagawa ang naghahanap pa ng dagdag na oras, pangalawang trabaho, o bagong trabahong mas mahaba ang oras. May tinatayang 90,000 pa na isang oras lamang nakapagtrabaho sa loob ng isang linggo.
May trabaho sa survey. Pero may maipambibili ba? Dito pumapasok ang inflation.
Bumagal daw sa 6.2 percent noong July mula 6.4 percent noong June. Magandang pakinggan kung porsiyento lang ang pagbabasehan. Pero lampas pa rin iyan sa target na 2-to-4-percent ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
At ang “pagbagal” ng inflation ay hindi ibig sabihing bumaba ang presyo. Ibig sabihin lang, mas mabagal ang pagtaas.
Mahal pa rin ang pagkain. Umakyat nang 19.3 percent ang presyo ng bigas kumpara noong nakaraang taon. Tumaas nang 16.9 percent ang gastos sa kuryente. Para sa bottom 30 percent ng mga pamilya, sumipa pa sa 8.2 percent ang inflation.
Habang bumabagal daw ang numero, lalo namang bumibigat ang bayarin.
Hindi kumakain ng statistical explanation ang pamilya. Hindi nababayaran ng press release ang Meralco bill. Hindi napupuno ng economic briefing ang kaldero.
May dahilan ang oil crisis. Pandaigdigan ang pinagmulan nito. Hindi kontrolado ng Pilipinas ang digmaan, global supply disruption, o presyo ng krudo.
Pero hindi puwedeng gawing permanenteng palusot ang external shock.
Trabaho ng gobyerno ang protektahan ang mamamayan laban sa epekto nito. Nasaan ang murang kuryente? Nasaan ang disenteng trabahong kayang bumuhay ng pamilya? Nasaan ang konkretong plano para mabawasan ang pagdepende sa imported oil?
Hindi sapat ang monitoring. Hindi sapat ang ayuda na minsanan. Hindi sapat na sabihing “resilient” ang ekonomiya habang milyon ang walang trabaho at milyon pa ang naghahanap ng dagdag na pagkakakitaan.
Kailangan ng malinaw na target. Kailangan ng deadline. Kailangan ng opisyal na mananagot kapag pumalpak.
Ang 2.8 percent GDP growth ay hindi tropeo. Ang 4.9 percent unemployment ay hindi maliit na sablay. Ang 6.2 percent inflation ay hindi magandang balita para sa pamilyang kapos na kapos na.
Babala ang mga numerong ito.
At kapag malinaw na ang babala, wala nang dahilan para maghintay pa ng mas malalang krisis.
Kilos-kilos, aba. /Bistado


