Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Biglang hirap ni Gina Acosta magsalita ng Tagalog, strategy umano – House prosecutor

Umano’y strategy lamang at hindi tunay na language barrier ang biglang paghihirap ni Gina Acosta na magsalita o umunawa ng Filipino at English sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua.

Ikinumpara ni Chua ang naging pagsagot ni Acosta sa trial sa pagharap nito noong November 2024 sa House Committee on Good Government and Public Accountability, kung saan nakasagot umano siya sa mga tanong sa Filipino at English nang walang kaparehong problema.

“Malinaw na strategy lang ito para pamali-mali siya, para kunwari hindi niya naiintindihan ang mga tanong,” ani Chua sa online press conference nitong Martes.

Si Acosta ay dating special disbursing officer ng Office of the Vice President (OVP) at nananatiling empleyado ng ahensya. Idineklara siyang hostile prosecution witness bago nagsimula ang kanyang direct examination nitong Lunes.

Sa simula ng testimonya, madalas siyang sumagot sa Cebuano at humingi ng translation sa ilang tanong.

Lumitaw ang language issue habang tinatanong si Acosta tungkol sa physical and financial plan, pag-withdraw ng ₱125 milyon, pagdadala nito sa apat na bag at pag-turn over umano kay Col. Raymund Dante Lachica.

Ayon sa prosecution, nangangailangan ng eksaktong sagot ang mga tanong dahil personal na lumahok si Acosta sa encashment at naghanda o lumagda sa mga dokumentong ginamit sa accounting ng pondo.

Binanggit kalaunan ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang transcript ng House testimony ni Acosta at kinuwestiyon kung bakit tila nahihirapan itong umunawa ng Filipino sa trial.

“Naalala ko noong hearing, noong ako po ang chairman, ang galing naman ng kanyang mga sagot,” ani Chua.

“Mga pa-Tagalog, mapa-English ang tanong sa kanya, nauunawaan niya at ganoon din ang sagot niya,” dagdag niya.

Sinabi ng prosecution na mas mabilis nang nakasagot si Acosta sa Filipino at English matapos ang intervention ni Tulfo.

“Biglang all of a sudden, hindi na marunong mag-Tagalog, hindi na marunong mag-English,” ani Chua.

Sinuportahan ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang obserbasyon ni Chua.

“Ako mismo, na-witness ko na magaling siya mag-explain sa Tagalog. At the same time, magaling din mag-explain sa English,” aniya.

May karapatan si Acosta na tumestigo sa wikang kanyang nauunawaan at maaaring magbigay ang impeachment court ng interpreter upang matiyak ang patas at wastong testimonya.

Nasa senator-judges naman ang desisyon kung makaaapekto sa credibility ni Acosta ang paraan ng kanyang pagsagot. Dapat ding ihambing ang testimonya niya sa dati niyang sworn statements, OVP documents, Landbank records at Joint Circular.

“I’m sure this would also be considered by the other senator-judges in weighing the credibility of the witness,” ani legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles