Sa pagbubukas ng pagdinig ng Kamara sa panukalang ₱7.2-trilyong national budget para sa 2027 nitong Lunes, tiniyak ng mga mambabatas na hindi lamang ito mananatiling mga numero sa papel kundi dapat maramdaman sa healthcare, edukasyon, trabaho at infrastructure.
Sinimulan ng House Committee on Appropriations ang pagsusuri sa National Expenditure Program (NEP) sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
“Sisiguraduhin po ng inyong Kongreso na ang PhP 7.2 trillion na budget ng ating bansa ay hindi lang mananatili sa papel, kundi mararamdaman sa araw-araw na buhay ng bawat pamilyang Pilipino,” pahayag ni Appropriations Committee Chair Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing.
“Makikita po ninyo ito: mas maginhawang pagpapagamot, mas dekalidad na edukasyon at mas maayos na mga silid-aralan, mas maraming mga trabaho, at mas magagandang mga kalsada para sa mga magsasaka upang mas mapadali ang pagdala ng mga produkto sa merkado.”
Mahigit ₱11 trilyon ang kabuuang budget proposals na isinumite ng mga government agency, ngunit pinili lamang ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga programang pasok sa available fiscal space at itinuturing na kailangan, handa nang ipatupad at may pinakamalaking pakinabang.
“The NEP is not a compilation of everything government agencies asked for. It is the result of choices and prioritization within the fiscal space available to government,” ani DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon.
“In simpler terms, the NEP is never a wish list. It is a prioritized spending plan,” dagdag niya.
Sinuri ng DBM ang mga proposal batay sa priorities ng Pangulo at Philippine Development Plan, absorptive capacity ng mga ahensya, implementation readiness, inaasahang resulta at pakinabang sa publiko.
Pinakamalaking bahagi ng budget ang ₱2.456 trilyon para sa Social Services sector, katumbas ng 34.1 porsiyento. Sakop nito ang edukasyon, kalusugan, social protection, employment, housing at iba pang basic services.
Makakakuha naman ang Economic Services sector ng ₱1.833 trilyon o 25.5 porsiyento para sa infrastructure, agriculture, transportation, digital connectivity at iba pang investment na lumilikha ng trabaho at economic opportunities.
Nangunguna ang edukasyon sa priorities, na may ₱1.326 trilyon para sa basic at higher education. Katumbas ito ng halos 4 porsiyento ng gross domestic product (GDP) at pasok sa benchmark ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) sa ikalawang pagkakataon.
Sa halagang ito, ₱975.96 bilyon ang nakalaan sa Department of Education (DepEd), habang ₱176.5 bilyon ang nakalaan sa higher education, kabilang ang suporta sa learners, teachers, at Free Higher Education.
May ₱1.467 trilyon naman para sa Build Better More Infrastructure Program, katumbas ng 4.4 porsiyento ng GDP. Hindi lamang roads at bridges ang sakop nito kundi public works, transportation, agriculture, education, defense, digital infrastructure at health facilities.
Iminungkahi rin ang mga sumusunod na pondo:
-₱353.8 bilyon para sa health sector, kabilang ang Department of Health, specialty hospitals at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth);
-₱261.7 bilyon para sa agriculture, kabilang ang suporta sa farmers at fisherfolk, irrigation, agrarian reform at food production;
-₱241.6 bilyon para sa Department of Social Welfare and Development, kasama ang ₱99.08 bilyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps);
-₱86.27 bilyon para sa Judiciary, kung saan isinama ang orihinal na budget proposal ng Supreme Court alinsunod sa Judiciary Fiscal Autonomy Act; at
-₱45.67 bilyon para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund, mas mataas nang 14.68 porsiyento sa nakalaan sa 2026 General Appropriations Act.
Kasabay ng malalaking alokasyon, nangako si Suansing ng safeguards laban sa abuso at mahigpit na pagbusisi sa bawat piso.
“Maglalagay po tayo ng sapat na safeguards sa budget upang tiyakin na hindi ito maaaring maabuso. Sisiguraduhin po ng inyong Kongreso na ang budget para sa taong 2027 ay isang budget na inyong mapagkakatiwalaan,” aniya.
Ipagpapatuloy umano ng Kamara ang mga repormang sinimulan sa 2026 budget process. Kabilang dito ang pagbuwag sa “Small Committee” at pagbuo ng Budget Amendments Review Sub-committee (BARSc), na nagsagawa ng mahigit 20 oras na livestreamed deliberations at naglatag ng amendments line by line.
Naka-livestream din ang committee hearings at plenary deliberations, at papalawakin ang partisipasyon ng civil society organizations para isagawa ang tinawag na unang People’s Budget Review.
Binuksan din sa lahat ng House members ang period of amendments bago aprubahan sa second reading ang General Appropriations Bill. Sa unang pagkakataon, binuksan din sa publiko ang bicameral conference committee, na may anim na araw na livestreamed na deliberations at line-by-line na presentasyon ng amendments.
Nakaangkla ang 2027 spending proposal sa temang “People-Centered Growth for an Inclusive and Resilient Future,” na naglalayong ituon ang limitadong pondo sa edukasyon, healthcare, food security, social protection, infrastructure at disaster resilience. /Bistado


