Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

WALANG KUKURAP

Magsisimula na sa Lunes, August 17, ang pagdinig sa proposed 2027 national budget.

Trilyones ang usapan. Kailangang bantayan ng sambayanan ang bawat galaw. Walang kukurap para walang makurap.

Umabot sa rekord na ₱7.2 trilyon ang panukalang budget ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Mas mataas ito nang ₱407 bilyon kumpara ngayong taon.

Ayon sa Pangulo, ang budget ay sumasalamin sa “unwavering commitment” ng kanyang administrasyon na bumuo ng matatag, inklusibo at maunlad na bansa.

Hmmm.

Maganda ang pangako. Pero kapag inilatag ang mga numero, iba ang kuwentong lumilitaw.

Lumaki nang ₱659.3 bilyon ang kabuuang debt servicing, kabilang ang interest payments at amortization, para umabot sa ₱2.704 trilyon. Sa interest payments pa lang, ₱1.114 trilyon na—mas malaki kaysa sa ₱976-bilyong panukalang budget ng Department of Education.

Lumobo rin sa ₱1.467 trilyon ang infrastructure program. Nadagdagan naman nang ₱28.6 bilyon ang domestic security spending at umabot sa ₱452.4 bilyon.

Saan kumuha ng pangdagdag?

Ayon sa pagsusuri ng IBON Foundation, nabawasan nang ₱95.7 bilyon ang health sector, ₱68.5 bilyon ang education, ₱3.95 bilyon ang housing, ₱26.5 bilyon ang social welfare, at ₱36.6 bilyon ang agriculture at agrarian reform.

Dagdag sa utang.

Dagdag sa imprastraktura.

Dagdag sa militar.

Bawas sa ospital. Bawas sa paaralan. Bawas sa pabahay. Bawas sa magsasaka. Bawas sa serbisyong direktang kailangan ng mahihirap.

People-centered ba talaga?

Depensa ng Malacañang, hindi dapat tingnan nang paisa-isa ang mga bawas at dagdag. Social services pa rin umano ang may pinakamalaking sectoral allocation na ₱2.456 trilyon. Nasa ₱1.06 trilyon daw ang consolidated health budget. Pinakamalaki pa rin sa mga departamento ang DepEd. May Walang Gutom Program, subsidized rice, disaster assistance at iba pang tulong para sa mahihirap.

Sabi pa ng Palasyo, mag-aral muna bago bumatikos.

Tama naman. Kaya nga kailangang himayin ang budget nang mabuti.

Kung ₱1.06 trilyon ang consolidated health budget, bakit may pagsusuring nagsasabing nabawasan nang halos ₱96 bilyon ang direktang health allocation? Anong mga pondo ang isinama sa malaking consolidated figure? Magkano ang talagang mapupunta sa mga ospital, gamot, health workers at pasyente?

Kung education ang pangunahing prayoridad, bakit lumiit ang panukalang pondo ng DepEd? Bakit binawasan ang Basic Education Facilities? Paano lulutasin ang kakulangan sa classroom kung ang pondong pang-imprastraktura ng mga paaralan ang tinapyasan?

Kung food security ang layunin, bakit lumiit ang suporta sa agriculture at agrarian reform habang mataas ang presyo ng pagkain?

Iyan ang dapat sagutin sa mga pagdinig.

Hindi slogan.

Hindi graphics.

Numero laban sa numero. Programa laban sa pangako. Resulta laban sa press release.

Mas dapat tutukan ang pagbabalik ng ₱107.4 bilyon para sa flood control. Kailangan ng bansa ang maayos na proteksyon sa baha. Walang duda roon. Hindi maaaring iwanang nakatiwangwang ang mga proyektong nasimulan na.

Pero sariwa pa ang alegasyon ng ghost projects, budget insertions at maanomalyang kontrata.

Sabi ng DBM, dumaan sa “intense vetting” ang mga proyekto at gagamit pa ng satellite monitoring.

Mabuti.

Pero hindi sapat ang salitang “vetting.” Ilabas ang buong listahan ng proyekto. Ilagay ang eksaktong lokasyon, halaga, contractor, timetable at accomplishment rate. Ipakita sa publiko ang satellite validation. Pangalanan ang mananagot kapag may multo na namang proyekto.

Kung tunay ang proyekto, walang dapat itago. Kung malinis ang kontrata, walang dapat ikatakot.

At habang nagtitipid umano ang gobyerno, may ₱10.773 bilyon pa ring confidential at intelligence funds (CIF). Mas mababa ito kaysa ngayong taon, pero hindi ginalaw ang ₱4.55 bilyong nakalaan sa Office of the President.

Mahigit apat sa bawat sampung piso ng lahat ng CIF ay nasa Palasyo.

Bakit ganoon kalaki? Saan matatagpuan ang malinaw na sukatan ng resulta? Paano masisiguro ng taumbayan na hindi nagiging lihim na alkansiya ang pondong likas na mahirap silipin?

Panghahawakan natin ang pangako ni Speaker Bojie Dy na masusing susuriin ng Kamara ang bawat piso. Siya mismo ang naglatag ng tatlong tanong: saan mapupunta ang pondo, ano ang konkretong mababago nito, at paano ito mararamdaman ng ordinaryong Pilipino?

Tama ang mga tanong.

Ngayon, kailangan ang totoong sagot.

Dapat bukas sa publiko ang bawat hearing. Dapat ilabas ang bawat amyenda at realignment. Walang last-minute insertion. Walang biglang dagdag sa bicam. Walang lump sum na walang malinaw na paggagamitan.

Ang budget ay hindi personal na ATM ng mga pulitiko. Hindi ito election war chest. Hindi ito gantimpala sa kaalyado o pista ng paboritong contractor.

Pera ito ng taumbayan.

Sa Lunes, magsisimula ang tunay na pagsusulit sa pangako ng Malacañang at Kamara.

Trilyones ang nakataya. Buhay at kinabukasan ng milyon-milyong Pilipino ang nakasalalay.

Walang kukurap, para walang makurap. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles