Naghahanap ang Department of Agriculture (DA) ng mga paraan upang matulungan ang vegetable farmers sa North Luzon na mabawasan ang pagkalugi habang patuloy na sinisira ng malakas na ulan sa Benguet ang mga pananim, inaantala ang kalakalan at pinahihina ang demand sa sariwang ani.
Umabot sa 5.8 tonelada o 5,800 kilo ng Chinese cabbage at carrots ang nasangkot sa dalawang dokumentadong kaso ng pagkalugi dahil sa masamang panahon, mahabang pila sa trading center at mahirap na biyahe sa madudulas na kalsada.
Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang regional office ng DA na suriin agad ang sitwasyon at magpatupad ng tulong para sa mga magsasaka. Kasunod ito ng mga ulat na itinapon ang Chinese cabbage at carrots sa kahabaan ng Labey–Lacamen Road sa Tublay, Benguet.
Sa verification ng DA-Cordillera Administrative Region (DA-CAR), natukoy na mula sa isang magsasaka sa Gambang, Bakun ang 2.5 toneladang Chinese cabbage na inani noong August 13.
Dinala ang ani sa La Trinidad, ngunit dalawang araw at dalawang gabi itong pumila bago makapasok sa trading center. Dahil basang isinakay ang mga gulay, nagsimulang mabulok o “malusaw” ang mga ito at hindi na maibenta.
Inalis sa pila ang trak at ibinaba ang cabbage sa bakanteng lote malapit sa Polig’s Farm, kung saan pinayagang kumuha nang libre ang mga dumaraan at turista.
Hiniling ng DA-CAR na isama sa posibleng Kadiwa program ang natitira pang ani ng magsasaka. Gayunman, nagpapakita na rin umano ng pagkasira ang kanyang hindi pa naaaning patatas, Chinese cabbage at carrots.
Ang carrots naman ay mula sa magsasaka sa Amlimay, Buguias, na umani ng apat na tonelada noong August 11. Sa trading center, 700 kilo lamang ang naibenta pagsapit ng tanghali noong August 12.
Nabulok ang natitirang ani kaya 200 kilo ang naiwan sa trading post, habang 3,100 kilo ang itinapon sa Labey–Lacamen Road.
Iniugnay ang pagkalugi sa basang ani, matagal na pila, congestion sa trading centers, humihinang marketability at masamang kondisyon ng kalsada.
Pinalalawak naman ng DA-CAR ang market access sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo, transport assistance at institutional buyers. Noong August, tinulungan nito ang hindi bababa sa 46 farmers’ cooperatives at associations na maibiyahe ang 32.83 metric tons ng gulay na nagkakahalaga ng tinatayang ₱1.2 milyon.
May available ding seed reserve na 1,037 pakete ng broccoli at carrots, 1,585 lata ng cabbage, Chinese cabbage, lettuce at pakchoi, at 505 pakete ng 6-in-1 salad-mix vegetable seeds. /Bistado


