Tinanggal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang excise tax sa liquefied petroleum gas o LPG at kerosene simula April 13, habang nakabinbin pa ang desisyon sa diesel at gasolina sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa pahayag sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na aalisin ang P3.36 kada kilo na buwis sa LPG at P5.60 kada litro sa kerosene. Katumbas ito ng halos P37 bawas sa bawat 11-kilong tangke ng LPG.
“Binawasan natin ang buwis sa produktong petrolyo na direktang ginagamit sa pang-araw-araw na buhay,” ani Marcos. “So, sa ilalim ng kapangyarihan na ibinigay sa atin ng batas, tinanggal ko na ang excise tax sa LPG at sa kerosene.”
Idinagdag niya na layunin nitong pababain ang gastusin ng mga pamilya. “This means lower expenses for cooking and for the daily needs of every family,” sabi pa niya sa briefing.
Hindi pa kasama sa bawas ang diesel at gasolina. Ayon sa Pangulo, pag-uusapan pa ito ulit.
“That’s to be discussed tomorrow,” aniya, sabay paliwanag na kailangan ng balanse sa presyo at suplay. “Kung masyadong babain ang presyo ng langis, sasabihin ng mga importer, hindi na kami kikita, hindi na kami mag-iimport, masisira naman ang supply natin.”
Ang hakbang ay alinsunod sa Republic Act No. 12316 na nilagdaan noong Marso 2026. Sa ilalim nito, puwedeng bawasan o suspendihin ang excise tax kapag umabot o lumampas sa $80 kada bariles ang average Dubai crude oil price sa loob ng isang buwan. Limitado ito sa tatlong buwan kada implementasyon.
Kasabay nito, muling iginiit ni Marcos ang posisyon laban sa pagtanggal ng value-added tax o VAT sa fuel.
“If we take away the VAT on petroleum products, it will only help the petroleum market,” ani Marcos. “What we need is funding to help the entire society.”
Dagdag pa niya, ang VAT ang pinagkukunan ng pondo para sa ayuda sa iba’t ibang sektor. “With the additional funding that we will get from the VAT collections, ‘yun ang gagamitin natin to provide assistance,” aniya.
Sa kabila nito, binatikos ng ekonomistang si Sonny Africa ng IBON Foundation ang hakbang ng gobyerno.
“The Marcos Jr admin didn’t take away LPG/kerosene excise taxes to help the poor. It did so because it wants to keep charging much bigger diesel/gasoline excise taxes on the poor,” ani Africa.
Dagdag pa niya, “Diesel/gasoline accounts for 73% of petroleum product demand, and LPG/kerosene for just 13%,” at ipinaliwanag na ang buwis sa diesel at gasolina ay naipapasa sa presyo ng pagkain at iba pang bilihin.
“The burden of fuel taxes isn’t from the poor buying fuel directly, but from how so much of what they buy has oil taxes embedded in their price,” paliwanag niya.
Sa ngayon, nananatiling limitado sa LPG at kerosene ang tax relief habang hinihintay ang susunod na desisyon sa diesel at gasolina. /Bistado


