Hinimok ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang mga senador na dumalo sa special session na ipinatawag ni President Ferdinand Marcos Jr. ngayong Miyerkules upang aksyunan ang priority bills, mga usaping may kinalaman sa Commission on Appointments, at ang ayuda para sa mga naapektuhan ng lindol sa Sarangani.
Itinakda ang special session sa Miyerkules, June 17, alas-9 ng umaga.
“Inaanyayahan ko ang ating mga kasamahan na dumalo at makibahagi sa proseso. Dapat ipagpatuloy ng Senado ang trabaho, tuparin ang mandato, at tugunan ang pangangailangan ng bansa,” sabi ni Gatchalian.
Dumating ang panawagan matapos 12 lamang sa 24 senador ang dumalo sa huling session day ng Senado noong June 3, kasunod ng pagkakaaresto kay Sen. Jinggoy Estrada kaugnay ng flood control scandal.
Si Estrada ay nakadetine sa Quezon City jail, habang si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay nagtatago umano mula nang iutos ng International Criminal Court ang kanyang pag-aresto noong November. Pareho silang kabilang sa faction ni Sen. Alan Peter Cayetano, ayon sa ulat.
Sumiklab ang leadership dispute sa Senado matapos ma-adopt sa plenary ang motion to declare all seats vacant at mailuklok ang bagong officials, kabilang si Gatchalian.
Absent si Cayetano at siyam na kaalyado nang matanggal sila sa kanilang key positions sa chamber. Iginiit naman ni Cayetano na dahil walang 13 required votes, nananatili siyang Senate president.
Sa kabila ng sigalot, iginiit ni Gatchalian na kailangang kumilos ang Senado.
“Kinikilala ng Senado ang tungkulin nito sa taong-bayan, at tutuparin natin ito nang buong husay sa espesyal na sesyong ipinatawag ng ating Pangulo,” sabi niya.
Kabilang sa mga panukalang tatalakayin ang Assistance to Individuals in Crisis Situations Act, Anti-Political Dynasty Law, Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged Areas Schools Act, amendments to the Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act, Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, National Center for Geriatric Health, at Presidential Merit Scholarship Program.
“Maraming kailangang aksyunan, kabilang ang mahahalagang panukalang batas tulad ng AICS Act, Anti-Political Dynasty Law, GIDA Schools Act, mga amyenda sa UAQTEA, GASTPE Act, at Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, National Center for Geriatric Health, at Presidential Merit Scholarship Program,” sabi ni Gatchalian.
“Kailangan ding magpulong ang Commission on Appointments upang aksyunan ang mga pagtatalaga sa Gabinete, militar, at Foreign Service,” dagdag niya.
Ayon kay Gatchalian, hindi lang technical agenda ang nakalatag sa special session dahil direktang tatama sa buhay ng publiko ang mga panukala.
“Lahat ng ito ay direktang makaaapekto sa buhay ng mga Pilipino, kaya titiyakin nating kikilos ang Senado nang mabilis at maayos,” sabi niya.
Tatalakayin din ng Senado ang ayuda at pagbangon ng mga apektado ng magnitude 7.8 na earthquake sa Sarangani noong June 8. /Bistado


