Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA target ibalik ang hog population; presyo ng baboy pinatatatag

Pinapabilis ng Department of Agriculture (DA) ang pagbangon ng hog industry para maibalik ang populasyon ng baboy sa bansa habang pinatatatag ang supply at presyo ng karne sa gitna ng patuloy na banta ng African Swine Fever (ASF).

Patuloy na hinahabol ng Pilipinas ang dating hog population na tinatayang nasa 13 milyong ulo noong 2019, bago nagsimulang tamaan nang malala ng ASF ang industriya.

Sa Hog Festival 2026, inilarawan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang sektor ng pagbababoy bilang pundasyon ng Philippine agriculture at mahalagang pinagkukunan ng kabuhayan ng libo-libong pamilya sa kanayunan.

Aniya, kailangang pabilisin ang repopulation sa mga lugar na walang ASF habang pinoprotektahan ang kita ng hog raisers at sinisigurong may sapat at abot-kayang baboy para sa mga konsyumer.

“Sa pamamagitan ng malakas na biosecurity measures, repopulation program na nakabase sa siyensiya, at mahigpit na kolaborasyon sa stakeholders sa industriya, muli naming itinatatag ang mas matibay at napapanatiling sektor ng pagbababuyan,” ani Tiu Laurel.

“Ang ating layunin ay tulungan ang mga Pilipinong nag-aalaga ng baboy na makabawi mula sa epekto ng African Swine Fever habang sinisiguro na bawat pamilyang Pilipino ay patuloy na magkaroon ng ligtas, supisyente at rasonableng presyo ng baboy. Ang malakas na industriya ng baboy ay nangangahulugan ng matatag na ekonomiya sa kanayunan at mas malaking seguridad sa pagkain para sa bansa,” dagdag niya.

May temang “Pork Labanan: The Ultimate Culinary Pinoy Pork Wars,” itinampok ng festival ang talento sa culinary ng mga Pilipino at ang promosyon ng lokal na baboy habang bumabangon ang industriya mula sa sakit, mataas na production costs, at weather-related risks.

Nakikipagtulungan ang DA sa local government units, industry groups, at private sector partners para higpitan ang biosecurity protocols at pabilisin ang pagpaparami ng baboy sa ASF-free areas.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 8.75 million ang hog inventory ng bansa noong 2025, mas mababa kaysa sa 9.57 million noong 2024. Nasa 6.09 million ang nasa smallhold farms, habang ang natitira ay mula sa semi-commercial at commercial farms.

Bumaba rin ang slaughter volume sa 20.74 million noong nakaraang taon mula 21.61 million noong 2024 at 25.36 million noong 2020.

Para sa DA, mahalaga ang pagbawi ng hog sector dahil ang baboy ay nananatiling pangunahing protein source ng mga Pilipino at malaking salik sa presyo ng pagkain. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles