Naglabas ng mas mahigpit na patakaran ang Securities and Exchange Commission (SEC) para sa mga credit rating agency, kabilang ang mas mataas na kapital, mas mahigpit na pamamahala at mga hakbang para maiwasan ang conflict of interest.
Sa bagong regulasyon, kailangang may minimum paid-up capital na P50 milyon ang mga kumpanyang mag-a-apply ng accreditation, na tataas sa P70 milyon makalipas ang tatlong taon.
Layunin nitong tiyaking may sapat na pondo at kakayahan ang mga ahensyang sumusuri sa creditworthiness ng mga kumpanya at debt securities na pinaglalagakan ng pera ng mga investor.
Ayon kay SEC Chairman Francis Lim, mahalagang matiyak ang kalayaan at pagiging maaasahan ng credit ratings dahil ginagamit ang mga ito ng investors sa kanilang mga desisyon.
Pinalawak din ang sakop ng regulasyon upang isama ang corporate bonds, commercial paper, structured products, sukuk, covered bonds at sustainability-linked instruments.
Kailangan ding tiyakin ng mga rating agency na hindi naiimpluwensyahan ng kanilang mga may-ari o kliyente ang mga pagsusuri. Dapat munang kumuha ng pahintulot sa SEC kung may pagbabago sa ownership na magreresulta sa bagong controlling shareholder.
Bibigyan ang mga kasalukuyang accredited agency ng 12 buwan para sumunod sa karamihan ng bagong requirements, 36 buwan para maabot ang P50 milyong kapital at 72 buwan para sa P70 milyon.
Samantala, maaaring magsimula sa P30 milyong kapital ang mga bagong aplikanteng maghahain sa unang 12 buwan ng pagpapatupad ng regulasyon, bago sundin ang itinakdang pagtaas.
Iniayon ng SEC ang mga bagong patakaran sa international standards ng International Organization of Securities Commissions para mapalakas ang transparency at tiwala sa credit ratings. /Bistado


