Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Corn imports tinaasan sa 500K tonelada para pigilan ang pagmahal ng baboy, manok

Dinagdagan ng pamahalaan ang pinapayagang pag-angkat ng mais sa 500,000 metriko tonelada ngayong 2026 para mapababa ang gastos sa feeds at maiwasan ang panibagong pagtaas ng presyo ng baboy at manok.

Sa ilalim ng Executive Order No. 129 na nilagdaan noong October 26, itinaas ang minimum access volume (MAV) ng corn imports mula 220,000 tonelada, o dagdag na 280,000 tonelada.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), inaasahang magkukulang ng 1.42 milyong metriko toneladang yellow corn mula March hanggang December dahil sa mataas na presyo ng pataba, gasolina, transportasyon at epekto ng El Niño.

Mahalagang sangkap ng feeds ang mais, kaya kapag nagmahal ito, tumataas din ang gastos ng mga nag-aalaga ng baboy at manok.

“Ensuring a sufficient supply of low-priced corn is essential to supporting animal feed production, keeping production costs of meat affordable and protecting the country’s food security,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Gagamitin ang karagdagang imports para punan ang kakulangan sa lokal na suplay, partikular sa lean season, at matulungan ang feed millers, livestock raisers at poultry producers.

Inatasan ang MAV Management Committee na maglabas ng implementing guidelines sa loob ng 30 araw para sa patas na pamamahagi ng karagdagang import allocation.

Gayunman, nangangamba ang ilang agricultural groups na maaaring bumaba ang presyo ng lokal na mais at maapektuhan ang kita ng mga magsasaka kapag dumagsa ang imported corn.

Bukod dito, pinag-aaralan din ng DA ang pagtataas ng taripa sa imported pork at pansamantalang paghinto sa pag-isyu ng import clearances para sa ilang pork cuts upang suportahan ang lokal na hog industry.

Hindi pa tiyak kung gaano kalaki ang magiging epekto ng dagdag na corn imports sa presyo ng karne, dahil nakadepende ito sa aktuwal na gastos sa pag-angkat, pagdating ng shipments at distribusyon sa merkado. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles