Pabor si Converge founder Dennis Anthony Uy sa pagsasalo ng imprastraktura ng mga telco para mabawasan ang gastos sa pagpapalawak ng network, kasunod ng panawagan ni PLDT chairman Manuel V. Pangilinan na pag-aralan ang consolidation sa industriya.
“All telco infrastructure should be common, as this would bring down costs in this high-capex industry,” ani Uy.
Ayon sa kanya, maiiwasan ang dobleng puhunan kung magkakagamit ng mga tore at fiber line ang mga provider. Kapag bumaba ang gastos, maaari nang pag-usapan ang pagpapababa ng singil sa serbisyo.
Halos P85 bilyon ang pinagsamang capital expenditures ng PLDT, Globe, Converge at Dito CME sa unang siyam na buwan ng 2026. Karamihan nito ay para sa pagpapalawak ng saklaw at pagpapahusay ng serbisyo.
Nauna nang iniulat noong July ang infrastructure-sharing agreement ng PLDT, Smart at DITO Telecommunity para magpalitan ng access sa mga tore, network facilities sa loob ng mga gusali at submarine cable capacity.
Sa halip na magbayaran ng upa o bayad sa paggamit, magsasaluhan sila ng access sa kasalukuyang imprastraktura para mapababa ang gastos at mapalawak ang coverage.
Ito ang unang infrastructure-sharing deal ng DITO sa karibal na mobile operator. Nauna rin itong pumasok sa fiber-sharing agreement sa Converge. /Bistado


