Naghatid si Eli Soyud ng pambihirang opensa matapos kumamada ng 30 puntos at tapusin ang kanyang mahusay na laro sa pamamagitan ng isang mahalagang backrow kill upang buhatin ang Akari kontra Farm Fresh, 25-22, 25-27, 22-25, 25-23, 15-12, at buhayin ang kampanya para sa semi final ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila nitong Martes.
Sa gitna ng dikdikang labanan, naging susi ang mga atake ni Soyud upang makaligtas ang Chargers sa tensyonadong fifth set. Sinamantala rin nila ang mga pagkakamali ng Farm Fresh sa huling bahagi ng laban upang makamit ang pinaghirapang panalo sa loob ng dalawang oras at 31 minuto.
Ikalawang sunod na panalo ito ng Akari matapos magsimula ang kampanya nito sa dalawang pagkatalo, dahilan upang muling makisali ang Chargers sa labanan para sa Final Four.
Ayon kay Soyud, na kumamada ng 27 attack points, determinado ang Akari na ipakita ang tunay nitong kakayahan.
“Kailangan lang namin bumawi sa mga nakaraang games na natalo kami. Alam ko naman na hindi pa talaga naipapakita ng team ang buong potential namin,” ani Soyud.
“Ang nag-click sa amin ay ’yung willingness ng bawat isa na manalo at bumawi sa mga unang talo naming.”
Nagdagdag si Ivy Lacsina ng 21 puntos, habang si Fifi Sharma ay gumawa ng 11 puntos, kabilang ang tatlong blocks. Ang huli sa mga ito ang pumigil kay Royse Tubino at nagbigay sa Akari ng match point.
Nangibabaw din ang Chargers sa net sa pamamagitan ng malaking 13-3 kalamangan sa blocks, sa kabila ng manipis na 72-71 abante sa attacks.
“’Yung character kasi ng bawat isa nandoon, kailangan lang mailabas,” ani Akari deputy coach Eddieson Orcullo. “Ngayon siguro nagkaroon lang kami ng Magandang connection sa bawat isa kaya ‘yung gustong mangyari, nai-translate sa puntos.”
Kasunod ang pinakahuling panalo ng Akari sa straight-sets na pagwawagi laban sa PLDT, na nagbigay ng kinakailangang tulak sa koponan matapos ang mga unang pagkatalo nito sa Creamline at Capital1.
Pinangunahan naman ni Mars Alba ang atake ng Akari sa pamamagitan ng 22 excellent sets, na nanaig sa kanyang katapat na si Alohi Robins-Hardy na nagtala ng 17.
Ipinakita rin ni Alba ang kanyang kakayahan sa opensa matapos magtala ng walong puntos.
Nanguna si Trisha Tubu sa Farm Fresh sa naiskor na 25 puntos, habang nagdagdag sina Tubino at Mylene Paat-Rezanova ng 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod. Nag-ambag naman si Ces Molina ng siyam na puntos.
May isang linggong paghahanda ang Akari bago harapin ang walang panalo na Galeries Tower sa Nobyembre 3 sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ayon kay Soyud, gagamitin ng Chargers ang pahinga upang tugunan ang mga natitirang kahinaan.
“Mas ipo-polish pa namin ang mga naging kulang namin sa laro ngayon. Magtitiis, magsisikap at patuloy kaming magtitiwala sa isa’t isa,” aniya.


