Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

BSP gustong buksan ang digital payments sa mas maraming kumpanya

Iminumungkahi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na palawakin ang pagpasok ng mga fintech at iba pang kwalipikadong kumpanya sa digital payments, kabilang ang pagpapasimula ng bayad mula sa bank account o e-wallet ng customer.

Sa ilalim ng draft circular, maaaring magbigay ang mga awtorisadong kumpanya ng payment initiation services (PIS). Kailangan muna ang malinaw na pahintulot ng customer bago magpasimula ng transaksiyon.

Hindi maaaring tumanggap o humawak ng pera ng customer ang PIS provider. Mananatili ang pondo sa bangko o electronic money issuer na may hawak ng account. Dapat ding ipaalam ang mga singil at detalye ng bayad.

Hiwalay dito, isinusulong ang clearing sponsorship upang makagamit ang mas maliliit na institusyong pinansiyal ng payment networks sa tulong ng isang direktang kalahok sa sistema.

Sa ganitong ayos, maaaring iproseso ng sponsor ang kanilang mga transaksiyon sa mga network tulad ng InstaPay at PESONet.

Kailangan ang nakasulat na kasunduan tungkol sa pananagutan, seguridad ng impormasyon, pagresolba ng reklamo at pagpapatuloy ng serbisyo kapag may aberya. Mananatiling responsable sa mga customer at pagsunod sa mga regulasyon ang institusyong gumagamit ng sponsor.

Para sa PIS providers, iminungkahi ang minimum capital na P5 milyon, na maaaring taasan ng BSP depende sa panganib at dami ng transaksiyon.

Magsusumite ng ulat at supporting documents ang mga bangko at electronic money issuer para sa certificate of authority. Ang ibang aplikante ay kailangang kumuha ng paunang pahintulot at magsumite ng kinakailangang dokumento nang hindi bababa sa 30 business days bago magsimula.

May P10,000 filing fee at P20,000 approval fee sa aplikasyon.

Ipinapanukala ring ipagbawal ang paggamit ng PIS sa mga transaksiyong may kinalaman sa casino, online gambling, regulated virtual asset service providers, money changers at remittance companies. Sa PIS lamang saklaw ang restriksiyon, hindi sa lahat ng electronic payment methods.

Tumatanggap ang BSP ng komento hanggang December 11. Panukala pa ang circular at magkakabisa lamang 15 calendar days matapos mailathala ang pinal na bersiyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles