Tumaas ng 13 porsiyento sa P26.2 bilyon ang net income ng AboitizPower sa unang siyam na buwan ng 2026 dahil sa mas malakas na benta ng kuryente at kontribusyon ng mga bagong renewable energy projects.
Ayon sa kumpanya nitong Huwebes, October 29, lumago rin ng 11 porsiyento sa P25.5 bilyon ang core net income, habang umakyat ng 13 porsiyento sa P63.7 bilyon ang earnings before interest, taxes, depreciation and amortization (EBITDA).
Nakatulong sa paglago ang mas mataas na presyo ng kuryente sa wholesale market, pagdami ng contracted capacity at kontribusyon ng Caliraya-Botocan-Kalayaan hydroelectric complex at mga bagong solar plants.
Tumaas din ng 9 porsiyento sa 35,105 gigawatt-hours ang kabuuang energy sales.
Sa generation at retail electricity business, umakyat ng 14 porsiyento sa P58 bilyon ang EBITDA, habang lumago ng isang porsiyento sa P7.1 bilyon ang sa distribution business.
Gayunman, bumagsak ng 26 porsiyento sa P7.8 bilyon ang net income sa ikatlong quarter dahil sa limitadong operasyon ng ilang coal-fired power plants.
Sa pagtatapos ng September, umabot sa P647.8 bilyon ang total assets ng AboitizPower, na may P60.2 bilyong cash at P331.2 bilyong interest-bearing debt. /Bistado


