Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng mahigit P94 milyong halaga ng umano’y ghost farm-to-market roads sa Davao Occidental na idineklarang tapos at bayad na kahit hindi pa kumpleto ang konstruksyon.
Sa mga kautusang may petsang September 21, inilagay sa preventive suspension nang hanggang anim na buwan sina DPWH officials James Ryan Jabonero, Jonathan Relacion at Zesrel Cuga habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kanilang mga kaso.
Nauna nang nagsampa ng mga reklamong graft, malversation at falsification of public documents ang Department of Agriculture (DA) noong May 21 laban sa ilang DPWH officials at contractors kaugnay ng walong kuwestiyonableng proyekto.
Ayon sa DA, may proyektong iniulat na 100 porsiyentong tapos at nabayaran na noong 2023 kahit ginagawa pa lamang.
Sa isa pang proyekto, walang nakitang gravel pathways ang DA Internal Audit Service sa kabila ng ulat na natapos na ito.
Hindi na maaaring isailalim sa preventive suspension ang limang respondent na sina Rodrigo Larete, Harold John Villaver, Czar Ryan Ubungen, Michael Awa at Jafel Faunillan dahil natanggal na sila sa serbisyo noong June 4.
Nagretiro naman noong May 2025 si Joel Lumogdang.
Kasama rin sa mga inireklamo sina Allen Borbon ng Adan Builders Co. at Marvin Lata Cumbe at Honorio Cumbe ng HVC Sagittarius Commercial & Construction.
Malugod na tinanggap ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kautusan ng Ombudsman, kasabay ng paggiit na dapat mapakinabangan ng mga magsasaka ang mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
“For farm-to-market roads, these are our farmers and fisherfolk, whose faster access to markets means higher incomes, lower production costs, and stronger rural development,” ani Tiu Laurel.
Ayon sa DA, nasa 60,000 kilometro pang farm-to-market roads ang kailangang maitayo sa bansa, sa kabila ng P109.55 bilyong inilaan para rito mula 2021 hanggang 2026.
Patuloy pa ang pagdinig sa mga reklamo at wala pang pinal na hatol laban sa mga respondent. /Bistado


