Pinatatanggal ng 34 business at civil society organizations sa Kongreso ang mahigit P180 bilyong umano’y kuwestiyonableng insertions sa panukalang P7.2-trilyong national budget para sa 2027, kasabay ng babalang huwag nang ulitin ang mga anomalya sa flood control projects.
Sa joint statement nitong Huwebes, October 29, kinuwestiyon ng mga grupo ang mahigit P180 bilyong idinagdag ng House of Representatives sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng Budget Amendments and Review Subcommittee.
Batay sa independent budget watchdogs, sakop ng mga dagdag na pondo ang hindi bababa sa 6,000 proyekto, dahilan upang umabot sa mahigit 16,000 ang kabuuang DPWH projects.
Marami umano rito ang lump-sum allocations para sa multipurpose buildings, access roads at bypass roads na walang inilathalang project lists o pinangalanang proponents.
Mas nakakabahala, ayon sa mga grupo, na posibleng kinuha ang bahagi ng pondo mula sa pagbabawas ng P130 bilyon sa foreign-assisted projects, P9.5 bilyon sa calamity funds, P1.76 bilyon sa EDSA Busway at P4.9 bilyon sa health programs.
“We find this deeply troubling,” ayon sa kanilang pahayag.
Nagbabala silang maaaring maantala ang mahahalagang infrastructure projects, humina ang paghahanda sa kalamidad at maapektuhan ang mga serbisyong pangkalusugan.
Tinukoy rin nila ang mga ghost at substandard flood control projects na iniugnay sa budget insertions noong 2023 hanggang 2025.
“The 2027 budget must not repeat that history,” giit nila.
Hiniling ng mga grupo na alisin ang lahat ng insertions na walang feasibility studies, detailed engineering designs o kumpirmasyong handa nang ipatupad sa 2027.
Ipinapanawagan din nilang ibalik ang mga binawas na pondo maliban kung may malinaw na paliwanag ang Kongreso.
Nais nilang ilathala ang bawat budget amendment, kasama ang proyekto, lokasyon, halaga, pinagmulan ng pondo, dahilan at pangalan ng mambabatas na nagpanukala nito.
Tutol din sila sa pagdaragdag ng bagong proyekto sa bicameral conference committee at sa mga probisyong nagpapahintulot na palitan ang mga proyekto matapos maaprubahan ang budget.
“Such provisions turn the approved budget into a blank check,” babala nila.
Hiniling din nilang gawing bukas sa publiko at livestreamed ang bicameral deliberations, nang walang bagong insertions o blank at lump-sum entries.
Kabilang sa mga lumagda ang Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, Federation of Philippine Industries, Financial Executives Institute of the Philippines at iba pang business at civic organizations.
Nanawagan sila kina Senate President Sherwin Gatchalian, House Speaker Faustino Dy III, Senate Finance Committee Chair JV Ejercito at House Appropriations Committee Chair Mikaela Angela Suansing na tiyaking may sapat na batayan at malinaw na dokumentasyon ang bawat proyekto.
Gayunman, nilinaw ng mga grupo na hindi nila layuning maantala ang pagpasa ng national budget.
“Our call is not for delay. We support the timely passage of the 2027 budget and oppose a reenacted budget,” ayon sa pahayag.
Iginiit nilang maaaring tanggalin ang mga kuwestiyonableng insertions nang hindi naaantala ang pagpasa ng budget bago matapos ang taon. /Bistado


