Nakipagdayalogo ang mga opisyal ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), National Housing Authority (NHA) at Social Housing Finance Corporation (SHFC) sa mga grupong maralitang lungsod na nagrali sa Quezon City nitong Lunes, October 26, kaugnay ng mga problema sa pabahay at relokasyon.
Pinangunahan nina DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling at NHA General Manager Joeben Tai ang pulong matapos magprotesta ang mga raliyista sa harap ng DHSUD Central Office.
Inilahad ng Urban Poor Action Committee, sa pangunguna ni Alice Murphy, ang mga hinaing ng mga residente sa mga lugar na sakop ng Presidential Proclamations at government housing at relocation projects.
Tiniyak ni Aliling na patuloy na makikipag-ugnayan ang DHSUD sa mga grupo upang matugunan ang kanilang mga reklamo.
Dumalo rin sina SHFC President Federico Laxa, Presidential Commission for the Urban Poor Chairperson Michelle Anne Gonzales at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Nagkasundo ang magkabilang panig na panatilihing bukas ang komunikasyon at palakasin ang koordinasyon para maaksyunan ang mga isyung inihain ng mga residente. /Bistado


