May discounts sa Grab rides, tours at pamimili ng pasalubong ang Globe Prepaid para sa mga turistang bumibisita sa Pilipinas na bibili ng Traveler SIM.
Ayon sa Globe nitong Martes, October 27, may kasamang 50 porsiyentong diskuwento sa GrabCar rides sa buong bansa ang bawat bagong Traveler SIM, hanggang P150 ang pinakamalaking bawas sa pamasahe kada biyahe.
May P150 discount din sa KKday para sa mga tour booking na nagkakahalaga ng P1,000 pataas, kabilang ang island tours at day trips.
Para naman sa mga bibili ng pasalubong, may P300 discount sa Kultura sa minimum purchase na P3,000 sa mga kalahok na tindahan.
Maaaring pumili ang mga turista ng Traveler SIM na may 20GB, 30GB, 80GB o 120GB data packages na gumagamit ng 5G network ng Globe.
Mabibili ang eSIM sa GlobeOne app bago pa dumating sa Pilipinas, habang available naman ang physical SIM sa mga Globe booth sa paliparan.
“Our Traveler SIM goes beyond basic connectivity by offering practical perks that simplify travel, open up local discoveries, and make bringing home authentic Filipino items easier,” ani Globe Consumer Mobile Business Head Eric Tanbauco.
Layunin ng Globe na mabigyan ang mga turista ng internet connection at dagdag na tipid habang namamasyal sa bansa.
Ang mga diskuwento ay para sa mga bagong biling Traveler SIM at sakop ng mga kondisyon ng bawat promo. /Bistado


