Inaasahang dadami ng 10 porsiyento ang mga sasakyang dadaan sa expressways ng San Miguel Corporation (SMC) Infrastructure ngayong Undas, kaya magdadagdag ito ng mga tauhan at emergency response teams para maibsan ang trapiko at matulungan ang mga motorista.
Kabilang sa mga rutang paghahandaan ang South Luzon Expressway (SLEX), Skyway System, Southern Tagalog Arterial Road (STAR), NAIA Expressway at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).
Magpapatupad ang SMC Infrastructure ng 24-hour monitoring at maglalagay ng mga ambulansya, tow trucks at fire trucks sa mahahalagang bahagi ng mga expressway para sa agarang pagtugon sa mga aksidente at aberya.
Makikipag-ugnayan din ang kumpanya sa mga kinauukulang ahensya para mapanatiling maayos ang daloy ng sasakyan, partikular sa mga toll plaza at pangunahing koneksyon ng mga expressway.
Pinayuhan ang mga motorista na tiyaking maayos ang kanilang sasakyan, may sapat na RFID load at maglaan ng dagdag na oras sa biyahe habang inaasahan ang pagdagsa ng mga uuwi sa probinsya para sa Undas. /Bistado


