Posibleng umabot hanggang December ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil hindi pa nagsisimulang magharap ng ebidensya ang depensa, habang kailangan ding talakayin ng Senado ang panukalang 2027 national budget.
“Parang hindi na kaya ng November from the looks of it. So I’m sure, tingin ko tatawid ito ng December,” ani Senate President Sherwin Gatchalian sa panayam nitong Martes, October 27.
Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa November 9, kung kailan magsisimulang magpresenta ng mga testigo at ebidensya ang kampo ni Duterte matapos tapusin ng prosecution ang kanilang kaso noong October 15.
Nakatuon na lamang ang paglilitis sa natitirang impeachment charge kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth, matapos payagan ng Senate impeachment court ang pag-withdraw ng tatlo pang articles.
Ayon kay Gatchalian, hindi pa dapat pangunahan ang magiging resulta ng kaso hangga’t hindi napapakinggan ang depensa.
“To be fair sa respondent, di pa na-present ang defense yung kanilang ebidensya at testimony so pakinggan muna natin,” giit niya.
Wala rin aniya siyang impormasyon na walong araw lamang ang kakailanganin ng depensa para matapos ang kanilang presentasyon.
Sa pansamantalang plano ng Senado, uunahin ang impeachment trial bago ito pansamantalang ihinto nang isa hanggang dalawang linggo para sa plenary deliberations sa 2027 budget.
Maaari namang ipagpatuloy ang paglilitis kung hindi pa tapos ang depensa.
Nakikipag-ugnayan na si Gatchalian kay Senate finance committee chairperson Sen. JV Ejercito para ayusin ang legislative calendar.
Tungkol naman sa mga usapin kung sino ang posibleng pumalit kay Duterte sakaling mapatalsik, tumanggi munang magkomento ang Senate President.
“Tapusin muna natin yung impeachment before we talk about that,” ani Gatchalian. /Bistado


