Malinaw ang gusto ng publiko. Sa pinakahuling survey ng OCTA Research, 69 percent ng adult Filipinos ang nagsasabing dapat umusad ang impeachment trial at harapin ito sa Senado. Dalawampu’t walong porsiyento ang hindi pabor, at 3 percent ang hindi pa sigurado. Mas mabigat pa rito, 87 percent ang may alam sa kaso.
Ibig sabihin, hindi ito maliit na usapin. Buong bansa ang nakatutok.
Dapat malinaw tayo: Ang nangyayaring impeachment hearings sa Kamara ay hindi pa usapin ng hatol. Hindi pa ito pagdedesisyon kung may sala o wala. Ang punto ngayon, simple lang. Harapin ang proseso. Sagutin ang mga alegasyon sa tamang lugar.
Sa ngayon, may isang panig na humaharap, nanunumpa, at nagsasalita sa ilalim ng oath. May mga detalyeng inilatag. May mga dokumentong isinusumite. May testigong inilalagay ang sarili sa panganib ng perjury para tumestigo. Ang kabilang panig, nananatiling nasa labas ng hearing.
Hindi pantay ang bigat niyan.
Kung titingnan ang mga lumabas na usapin, hindi rin nakasentro ang kaso sa iisang tao lang. Kahit alisin ang isang testigo, may nananatiling mabigat na dokumento. May pinal na ruling ang Commission on Audit na nag-utos ng pagbabalik ng P73.287 million mula sa confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022. Hindi ito tsismis. Hindi ito opinion. Opisyal na finding ito ng isang constitutional body.
At mas malinaw pa, ang pananagutan na tinukoy ay hindi na nakatali sa opisina. Personal na pananagutan na ito ng mga indibidwal na pinangalanan sa ruling.
Kapag ganito na ang usapan, hindi na sapat ang denial sa labas ng proseso.
Madaling magsabi ng “hindi totoo” kung walang panunumpa. Madaling maglabas ng pahayag kung walang cross-examination. Pero iba ang bigat kapag nasa hearing ka, nakaupo, tinatanong, at sumasagot sa ilalim ng oath. Doon nasusukat ang katotohanan. Doon nasusubok ang depensa.
Ito ang hinihingi ng proseso. Ito rin ang hinihingi ng publiko.
Kung may mali sa testimonya, doon dapat itama. Kung may butas, doon dapat ilantad. Kung may dokumentong magpapawalang bisa sa mga paratang, doon dapat iharap. Hindi sa social media. Hindi sa press conference. Sa mismong pagdinig.
Habang tumatagal ang pag-iwas, lalong bumibigat ang tanong. Kung walang itinatago, bakit hindi humarap? Kung handang sagutin ang lahat, bakit hindi gawin sa ilalim ng panunumpa?
Hindi ito tungkol sa pulitika. Hindi ito tungkol sa drama. Ito ay tungkol sa pananagutan.
At sa puntong ito, malinaw na ang direksyon.
VP Sara, umattend ka na ng hearing. Ang taumbayan naghihintay ng sagot, hindi ng statement. /Bistado


