Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Paghabol sa mahabang anino ng nakaraang Kongreso

Mahaba ang anino na iniwan ng 19th Congress.

Kaya kung magyayabang ang kasalukuyang Kamara, dapat handa silang masukat. Hindi sapat ang pa-graphics. Hindi sapat ang video clip. Hindi sapat ang linyang “patuloy ang trabaho.” Sa Kongreso, ang tanong lagi ay simple: ano ang naipasa, gaano kabigat, at naramdaman ba ng tao?

Ipinagmamalaki ngayon ng House leadership na 20 sa 52 priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang naipasa matapos aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang National Land Use Act at Patuloy ang Pagtawid sa Pamilyang Pilipino Act.

Maganda pakinggan. Pero bilangin nang maayos.

Dalawampu sa 52.

Wala pa sa kalahati.

Ibig sabihin, 32 priority measures pa ang nakabinbin. Kaya bago magpa-confetti, magtrabaho muna. Hindi porke may dagdag na dalawang panukalang naipasa ay pwede nang magpaandar ng victory lap.

Mas mabigat ang comparison kapag binalikan ang 19th Congress. Sa ilalim ni dating Speaker Martin Romualdez, iniulat mismo ng House na 60 sa 64 LEDAC priority measures ang naaprubahan. Mula July 2022 hanggang May 2025, umabot sa 13,868 measures ang na-file, 1,451 committee reports ang naisumite, at 1,493 measures ang naaprubahan sa final reading, kabilang ang 280 Republic Acts.

Hindi puro papel ang mga iyon. Nariyan ang PPP Code, Ease of Paying Taxes Act, Tatak Pinoy Act, VAT on Digital Services Law, Anti-Financial Accounts Scamming Act, CREATE MORE Act, New Government Procurement Act, ARAL Act, Maritime Zones Act, at Archipelagic Sea Lanes Act.

Hindi perpekto ang 19th Congress. May kontrobersiya. May mga iringan. Pero sa legislative output, mataas ang iniwang marka.

Iyan ang problema ngayon ng 20th Congress. Marami sa ipinagmamalaki nilang panukala ay spillover lang mula sa nakaraang Kongreso. Matagal nang umiikot ang National Land Use Act. Matagal nang hinimay ang 4Ps strengthening measure. Kaya huwag sanang palabasing parang biglang isinilang ang lahat sa kasalukuyang leadership.

Mas kailangan nga nilang mag-step up ngayon dahil hindi normal ang panahon. May oil crisis na kumakain sa bulsa ng commuter, driver, manggagawa, at maliit na negosyante. Kapag tumataas ang langis, sumasabay ang pamasahe, pagkain, kuryente, at presyo ng produkto. Sa ganitong sitwasyon, hindi pwede ang mabagal na Kongreso. Hindi pwede ang pa-cute na productivity report habang ang tao ay nagbibilang ng pamasahe.

Dapat mabilis ang aksyon. Dapat may mas mahigpit na oversight sa presyo ng langis at profiteering. Dapat may malinaw na legislative response, hindi puro press release.

Kung tunay na “walang maiiwan,” unahin ang mga pamilyang naiipit ngayon.

Sa ngayon, nasa catching-up phase pa rin ang 20th Congress. At hindi masamang aminin iyon. Mas masama ang magpanggap na panalo na habang wala pa sa kalahati ang LEDAC scorecard.

Kung gusto nilang lumabas sa anino ng 19th Congress, kailangan nilang bumilis. Kailangan nilang magpasa ng batas na may bigat. Kailangan nilang ipakitang ang Kamara ay hindi lang echo chamber ng talking points, kundi makina ng solusyon.

Dahil ang taumbayan hindi kumakain ng press release.

Resulta ang kailangan. Batas ang kailangan. Aksyon ang kailangan, lalo ngayon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles