May malaking bawas sa presyo ng langis ang ipatutupad ngayong Martes, April 21, ayon sa kumpirmasyon mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inaasahang bababa ang presyo ng diesel ng humigit kumulang P24.94 kada litro. Ang gasolina naman ay may rollback na nasa P3.41 kada litro, habang ang kerosene ay bababa ng P2.00 kada litro, batay sa datos na ibinahagi ng Pangulo.
Ayon kay Marcos, mas malaki ang rollback na ito kumpara sa naunang linggo at may malinaw na epekto sa gastusin ng publiko. “Mas malaki ito kaysa sa rollback noong nakaraang linggo at malinaw ang ibig sabihin nito para sa ating lahat. May ginhawang parating,” anang Pangulo sa isang video message.
Binigyang diin din niya na dapat maramdaman agad ng publiko ang pagbaba ng presyo ng langis. Kaya naman inatasan niya ang mga oil company na ipatupad ang rollback nang buo at walang pagkaantala.
Hinimok din ng Pangulo ang publiko na i-report ang anumang paglabag sa implementasyon ng rollback. Ayon sa kanya, bukas ang Department of Energy para tumanggap ng reklamo at kikilos agad ang pamahalaan sa mga isusumbong.
Kasabay ng rollback, nananatili ang P10 fuel discount para sa mga public utility vehicles gaya ng jeep at bus. Patuloy din ang service contracting program para sa mga driver bilang dagdag na suporta sa sektor ng transportasyon.
May isa pang hakbang na ipinatupad ang pamahalaan para makatulong sa mga motorista. Ayon sa Pangulo, may tatlong buwang extension sa validity ng mga driver’s license, student permit, at rehistro ng sasakyan na mag e-expire ngayong buwan.
“Ipapatupad ng Department of Transportation at Land Transportation Office ang tatlong buwang extension. Halimbawa, kung mag e-expire ngayong buwan ang rehistro mo, magiging valid pa rin ito hanggang July at wala kang babayarang multa o surcharge,” paliwanag niya.
Ayon kay Marcos, mahalaga ang bawat bawas sa presyo ng langis dahil direktang nakakaapekto ito sa pang araw araw na gastusin ng mga Pilipino. “Ang bawat sentimo na ibinababa ay dapat maramdaman ng bawat Pilipino,” diin ng Pangulo. /Bistado


