Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Di ka pa late! ITR filing extended hanggang May 15

Nagising ka ba ngayong Huwebes at inalalang late ka na sa pagbabayad at pagfa-file ng iyong income tax return (ITR)? Relax muna, may dagdag oras ka pa!

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinalawig ang deadline ng paghahain ng 2025 ITR mula April 15 hanggang Mayo 15, 2026. Layunin nitong bigyan ng mas sapat na panahon ang mga taxpayer para makumpleto ang kanilang requirements nang maayos.

“Pinalawig natin ang deadline ng filing ng 2025 Annual Income Tax Returns mula April 15 hanggang May 15, 2026,” ayon sa Pangulo.

Dagdag pa niya, “Mas may oras ang bawat taxpayer na makapag-file nang maayos, kasama ang lahat ng kailangang dokumento, at walang ipapataw na penalties.”

Ayon sa Malacañang, ginawa ang extension sa gitna ng patuloy na epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East. “We did this to make the payment of taxes easier for every Filipino, especially at a time when the higher oil prices are being felt,” paliwanag ni Marcos.

Kasunod nito, agad naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kaukulang circular para ipatupad ang bagong deadline hanggang Mayo 15.

Hindi lahat ng empleyado ay kailangang maghain ng sariling ITR. Ang mga purely compensation earners na saklaw ng substituted filing ay maaaring hindi na mag-file dahil employer na ang nag-asikaso nito. Ngunit para sa mga self-employed, freelancers, mixed-income earners, at may higit sa isang employer, obligadong magsumite ng sariling ITR.

Habang pinaluluwag ang deadline, iniulat din ng BIR na nananatiling matatag ang koleksyon ng buwis sa bansa.

Batay sa datos, umabot sa P198.7 billion ang gross collection ng BIR noong Marso 2026, mas mataas ng 11.8 porsyento kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

“Our March 2026 collection performance is encouraging, especially at this time of economic strain,” ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza.

Dagdag pa niya, “We at the BIR heed the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr. and Finance Secretary Frederick D. Go to help ensure that the government has steady revenues to fund essential services and provide timely support, especially to those who need it most.”

Sa kabila nito, naglabas din ang BIR ng P11.368 billion na tax refunds noong Marso, higit limang beses na mas mataas kaysa sa parehong buwan noong nakaraang taon. Dahil dito, ang net collection ay nasa P187.387 billion, tumaas ng 6.68 porsyento year-on-year.

Ayon sa BIR, kahit nabawasan ang net growth dahil sa mas mataas na refunds, nangangahulugan naman ito na mas maraming pondo ang naibalik sa mga taxpayer at negosyo sa gitna ng kasalukuyang energy crisis. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles