Halos dumoble ang inflation rate sa Pilipinas nitong March 2026 matapos pumalo sa 4.1 percent ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito na ang pinakamabilis na inflation mula July 2024 o sa loob ng 20 buwan.
Mula sa 2.4 percent noong February, tumalon ang inflation rate sa 4.1 percent. Dahil dito, nasa 2.8 percent na ang average inflation sa unang quarter ng taon. Pasok pa ito sa target range ng gobyerno na 2 percent hanggang 4 percent, pero malinaw ang bilis ng pag-akyat nitong March.
Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, pangunahing nagtulak sa pagtaas ang epekto ng sigalot sa Middle East sa presyo ng langis at transportasyon. Umabot sa double digits ang inflation sa fuel prices, na pinakamataas mula September 2022.
Pinakamabilis ang galaw sa diesel, kung saan sumirit ang inflation sa 59.5 percent mula sa -1.3 percent noong February. Ibig sabihin, mula sa pagbaba ng presyo noong nakaraang buwan, bigla itong nagtaas nang malaki nitong March. Ang gasolina naman ay umakyat sa 27.3 percent mula sa -5.7 percent.
Direktang tumama ito sa transport sector. Ayon sa PSA, ang transport costs ay nagtala ng 9.9 percent annual increase mula sa 0.3 percent na pagbaba noong February. Malinaw na ang oil price shock ang nagtulak sa pagtaas ng pasahe at iba pang kaugnay na gastos.
Kasabay nito, bumilis din ang pagtaas ng presyo ng pagkain. Ang food and non-alcoholic beverages index ay umakyat sa 3.0 percent mula sa 1.8 percent. Sa national level, ang food inflation ay tumaas sa 2.8 percent mula sa 1.6 percent.
Malaking ambag dito ang pagtaas ng presyo ng bigas, na umakyat ng 3.6 percent nitong March. Malaking baligtad ito mula sa 3.4 percent na pagbaba noong February. Sa kabila nito, may ilang food items na bumagal ang pagtaas ng presyo, tulad ng isda, dairy products, at ready-made food, habang nananatiling may pagbaba sa karne at asukal.
Bukod sa pagkain at transportasyon, tumaas din ang presyo sa iba pang sektor. Umabot sa 4.5 percent ang inflation rate sa housing, water, electricity, gas, at other fuels. Nasa 5.0 percent ang restaurants and accommodation services. Ang recreation, sport and culture ay 4.7 percent, alcoholic beverages and tobacco ay 3.7 percent, at health ay 3.4 percent.
Sa gitna nito, tiniyak ng Department of Economy, Planning and Development (DepDev) na may mga hakbang ang gobyerno para bawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo, lalo na sa fuel at transport.
Ayon kay DepDev Secretary Arsenio Balisacan, ipinatutupad ang Executive Order 110 o Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport Committee para tukuyin ang mga agarang solusyon.
Kabilang sa mga hakbang ang emergency fuel procurement program, kung saan 165.6 million liters ng diesel ang na-secure para sa delivery hanggang April. Mayroon ding toll rebates para sa public utility vehicles at cargo trucks sa mga pangunahing expressway.
“Our immediate priority is to ensure the safety of Filipinos abroad and to deploy timely and tangible solutions by providing critical support for the transport sector, commuters and industries, while simultaneously diversifying the energy mix,” ani Balisacan.
“The government is firmly committed to ensuring the continuous delivery of services, even as we pursue decisive measures to enhance the resilience of our economy and institutions, carefully balancing short-term relief measures and longer-term considerations toward enabling the economy to recover high growth quickly,” dagdag pa niya. /Bistado


