Anim na menor de edad ang nasagip at isang suspek ang naaresto sa operasyon laban sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) sa Manila noong May 14.
Pinangunahan ang operasyon ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), katuwang ang Anti-Cybercrime Group (ACG), Manila Police District (MPD), Manila City Social Welfare and Development Office, at barangay officials.
Ayon sa ulat, kumilos ang mga operatiba matapos makatanggap ng validated international at national cyber intelligence referrals mula sa INTERPOL International Child Sexual Exploitation (ICSE) Database at National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC) Cyber Tipline.
Bago ang operasyon, nakakuha muna ang mga awtoridad ng court-issued Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data.
Ang mga nasagip na menor de edad ay edad 4 hanggang 14. Kabilang sa kanila ang isang child-at-risk.
Arestado naman ang isang 23-anyos na lalaki na kinilala sa alyas na “Jay.”
Ayon sa investigators, pinsan at kapitbahay ng isa sa mga biktima ang suspek.
Narekober mula sa suspek ang digital devices na isinailalim sa initial forensic examination.
Batay sa pagsusuri, may indikasyon umano ng child sexual abuse and exploitation material sa mga device.
Kinasuhan na ang suspek sa ilalim ng Republic Act No. 11930, o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.
Nasa kustodiya ngayon ng PNP-WCPC Luzon Field Unit ang suspek.
Samantala, nasa pangangalaga naman ng social welfare authorities ang mga nasagip na menor de edad para sa psychosocial support at recovery.
Ayon sa PNP, bahagi ang operasyon ng mas pinaigting na kampanya laban sa online abuse at exploitation ng mga bata, lalo na sa mga kasong natutukoy sa pamamagitan ng cyber intelligence at koordinasyon sa international child protection systems. /Bistado


