Sa kauna-unahang pagkakataon sa 66 na taon na pagtatanghal ng Palarong Pambansa, naglaan ang Philippine Sports Commission (PSC) ng PHP10 milyon na cash incentives para sa mga mag-uuwi ng medalya.
Kasama ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na buhayin muli ang pambansang grassroots sports program.
Inilunsad noong Linggo sa Prosperidad, Agusan del Sur ang 2026 Palarong Pambansa, na ipatutupad ng PSC katuwang ang Department of Education (DepEd), para sa student-athletes mula sa elementarya at sekondarya.
Mahigit 13,000 student-athletes ang nakatakdang lumahok sa 35 sports hanggang Mayo 31, kabilang ang apat na para sports (athletics, bocce, goalball, swimming), tatlong demonstration sports (karatedo, kickboxing, soft tennis), at apat na exhibition sports (arnis, muay thai, sitting volleyball, table tennis).
“Masaya akong ibalita sa inyo na sa unang pagkakataon, maglalaan ang Philippine Sports Commission ng mga incentives para sa mga medalists ng regular sports at para games bilang pagkilala sa inyong husay,’’ ani Pangulong Marcos sa isang video message.
“Alam ko na gagawin ninyo ang inyong makakaya. Marami kayong matututunan sa Palarong ito na madadala ninyo kahit saan man kayo magpunta. Dito ninyo matututunan ang tiyaga, respeto, disiplina at malasakit sa kapwa.”
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang gold medalist ng PHP5,000, ang silver medalist ng PHP3,000 at ang bronze medalist ng PHP2,000.
Layunin ng gobyerno na suportahan ang training at athletic development ng mga batang atleta habang pinapagaan ang pinansyal na sakripisyo ng kanilang mga pamilya.
“Upang makatulong sa training ng atleta at sa mga gastos ni Papa at Mama. Maliit na halaga lang po ito sa dami ng lalahok at mananalo sa Palarong Pambansa. This is just a sincere gesture from our government na mula po sa puso,” ani PSC Chairperson Patrick Gregorio.
Binigyang-diin ng PSC na ang programa ay hindi lamang tungkol sa pinansyal na suporta kundi pati na rin sa pagpapadala ng makapangyarihang mensahe na matatag na sumusuporta ang pamahalaan sa mga batang atleta mula pa lamang sa simula ng kanilang paglalakbay.
“These incentives will likewise help motivate our young student-athletes to strive harder and to train more diligently. Tulong upang maabot ang kanilang pangarap,” dagdag pa ni Gregorio.
Sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, titiyakin ng PSC na makararating ang PHP10 milyong incentive fund sa mga medalist ng Palaro at magsisilbing daan para sa mas malalim na pamumuhunan sa grassroots sports.
Bagama’t maliit kung ihahambing sa dami ng kalahok at mananalo sa lahat ng events, binigyang-diin ng PSC na ito ay isang makabuluhang unang hakbang — isang malinaw na senyales na determinado ang pamahalaan na suportahan ang mga batang kampeon mula grassroots level hanggang sa world stage.
“Ngayon pa lang saludo kami sa inyo. You are the next generation of Filipino athletes who will bring great honor and glory to our country,’’ ani DepEd Secretary Sonny Angara sa mga atleta.
“Malapit sa puso ng ating Presidente ang sports. Malaking budget ang nailaan this year sa Palaro, mula sa pagbuo ng school sports at katulong ang PSC sa pag-aayos ng sports facilities. Lahat po iyan ay utos ng ating mahal na Pangulo,’’ dagdag ni Angara.


