Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P524.27 milyong halaga ng mga produktong agrikultural at iba pang kalakal sa isang warehouse sa Valenzuela City dahil sa hinihinalang iregularidad sa importasyon.
Kabilang sa mga nasamsam ang 99,289 sako ng pulang sibuyas na nagkakahalaga ng P372.3 milyon, 20,886 sako ng beans at legumes na P103.7 milyon, at 18,016 kahon ng luya at carrots na P26 milyon.
Nakakita rin ang mga awtoridad ng peanut products, textured vegetable protein, laundry bluing powder, packaging materials at apat na forklift.
Batay sa mga marka sa packaging, may mga produktong nagmula sa China, Argentina, Australia, Indonesia, India, Myanmar at Egypt. Hindi pa naman matukoy ang pinagmulan ng mga pulang sibuyas at ilan pang kalakal.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang BOC mula sa National Bureau of Investigation (NBI) noong October 7 tungkol sa posibleng pag-iimbak ng mga produktong hindi sumusunod sa customs regulations.
Naglabas ng Letter of Authority ang BOC noong October 9 at nagsagawa ng kumpletong imbentaryo noong October 17.
Dahil sa mga hindi tugmang dokumento, naglabas ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC noong November 9.
Sa paunang imbestigasyon, walang sapat na papeles na nagpapatunay na legal na naangkat ang mga produkto, nabayaran ang tamang buwis at may kaukulang permit mula sa Department of Agriculture (DA).
Humigit-kumulang 41,033 sako ng pulang sibuyas at iba pang produkto ang hindi rin maitugma sa mga isinumiteng dokumento.
“It is not enough to simply show documents. It must be clear where the products came from, whether they entered the country legally, and whether the correct taxes were paid,” ani Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.
“If violations are found, we will ensure that someone is held accountable. We will not let our farmers go bankrupt due to agricultural smuggling,” dagdag niya.
Iniimbestigahan din ng BOC ang posibleng paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.
Nananatiling nasa kustodiya ng Customs ang mga nasamsam na produkto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, katuwang ang NBI, DA at Philippine Coast Guard. /Bistado


