Tumaas ng 17 porsiyento ang mga kaso ng influenza-like illness (ILI) sa Pilipinas sa loob ng dalawang linggo, kasabay ng pagdami ng dengue cases, habang bumaba naman ang mga bagong kaso ng leptospirosis.
Ayon sa Department of Health (DOH) nitong Martes, November 10, umabot sa 15,122 ang kaso ng ILI mula October 4 hanggang 17, kumpara sa 12,929 sa naunang dalawang linggo.
Sinabi ng DOH na sumusunod ang pagtaas sa karaniwang seasonal pattern ng mga sakit na may sintomas ng trangkaso.
Pinakamalaking porsiyento ng pagtaas ang naitala sa Western Visayas, Mimaropa at Central Visayas. May 13 lalawigan at highly urbanized cities sa 10 rehiyon ang minomonitor dahil sa pagdami ng kaso, karamihan sa Metro Manila.
Gayunman, mas mababa pa rin ng 18 porsiyento ang kabuuang 142,246 kaso ng ILI mula January 4 hanggang October 31, kumpara sa 173,364 noong 2025. Nanatili sa 0.06 porsiyento ang case fatality rate.
Samantala, bumaba ng 46 porsiyento sa 506 ang bagong kaso ng leptospirosis mula October 4 hanggang 17, mula 940 sa naunang dalawang linggo.
Pero sa kabuuan ng taon hanggang October 31, sumirit ng 47 porsiyento sa 14,085 ang kaso ng leptospirosis, mula 9,567 noong nakaraang taon.
Bumaba naman sa 5.53 porsiyento mula 10.32 porsiyento ang case fatality rate nito.
Sa dengue, umakyat ng apat na porsiyento sa 23,831 ang kaso sa parehong dalawang linggo, mula 23,008.
Gayunman, mas mababa pa rin ng 14 porsiyento ang kabuuang 237,423 dengue cases ngayong taon, kumpara sa 276,623 noong 2025. Nasa 0.39 porsiyento ang case fatality rate.
Bagaman hindi pa lumalampas sa national epidemic threshold ang dengue, may 30 lalawigan at highly urbanized cities sa 15 rehiyon ang isinailalim sa mas mahigpit na pagbabantay, partikular sa Bicol, Central Visayas, Western Visayas at Eastern Visayas.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na takpan ang bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing, manatili sa bahay kapag may sintomas ng trangkaso at tiyaking maayos ang bentilasyon para maiwasan ang hawahan. /Bistado


