Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Democrats rumagasa sa US midterms, kinuha ang House at Senate

Rumagasa ang Democratic Party sa midterm elections ng United States (US), inagaw sa Republicans ang House of Representatives at Senate, at binago ang timpla ng kapangyarihan sa huling dalawang taon ng termino ni US President Donald Trump.

Nalagpasan ng Democrats ang 218-seat threshold para makontrol ang House. Nakuha rin nila ang Senate matapos magwagi sa mga Republican stronghold at battleground state. Hindi pa tapos ang bilangan sa ilang karera, kaya hindi pa pinal ang laki ng kanilang mayorya. 

Sa Senate, naagaw ng Democrats ang mga puwesto sa Kansas, Iowa, Texas, Ohio, Maine, North Carolina at South Carolina. Hindi pa napagpapasyahan sa unang mga ulat ang mga karera sa Alaska at Mississippi. Tinalo rin ng Democrat na si Troy Jackson sa Maine ang matagal nang Republican senator na si Susan Collins.

Kasaysayan ang isinulat ng ilang panalo. Unang naghalal ang Kansas ng Democratic senator sa loob ng 94 taon nang manaig si Adam Hamilton laban kay Roger Marshall. Sa Texas, tinalo ni James Talarico si Attorney General Ken Paxton, ang kandidatong sinuportahan ni Trump. Ito ang unang Democratic Senate victory sa estado mula 1994.

Sa South Carolina, pinabagsak ni Dr. Annie Andrews si Darline Graham, kapatid ng yumaong senator na si Lindsey Graham at kaalyado ni Trump. Unang beses ito sa halos 30 taon na nakuha ng Democrat ang isang Senate seat sa estado. Hindi rin nakapaghalal ng Democratic senator ang Iowa at North Carolina mula 2008 bago ang midterm sweep. 

Ipinakita ng pagsusuri ng Reuters at USA Today ang lawak ng pagtalikod sa Republicans. Nawalan sila ng suporta sa 99 porsiyento ng mga county na halos tapos nang magbilang noong Miyerkules. Sa 64 majority-Hispanic counties na may Senate contests, 14 percentage points na mas mababa ang Republican vote share kumpara sa nakuha ni Trump noong 2024.

Wala ring Republican na nanalo sa House district na lamang si Trump nang mas mababa sa 11 percentage points noong 2024. Samantala, nakakuha ang Democrats ng apat na distritong napanalunan noon ni Trump nang mahigit 15 points. Wala ring napunta sa Republicans sa mga House at Senate race na itinuturing na competitive bago ang halalan. 

Bumagsak din ang tangkang palakasin ang Republican House majority sa pamamagitan ng pagbabago ng mga distrito. Sa 15 Democratic-held seats na pinuntirya ng Republicans, wala pang naagaw habang nagpapatuloy ang bilangan. Nakalusot ang Democrats kahit sa mga distritong idinisenyong maging mas pabor sa kanilang kalaban.

Iniuugnay ng mga exit poll at political analyst ang pagkatalo sa galit ng mga botante sa mataas na cost of living, Iran war, tariffs, corruption at mahigpit na immigration policies ng administrasyon. Natalo rin ang ilang kandidatong personal na sinuportahan ni Trump, kabilang sina Paxton sa Texas, Graham sa South Carolina at Michael Whatley sa North Carolina.

Bago ang halalan, paulit-ulit na hinikayat ni Trump ang kanyang mga tagasuporta na bumoto na parang kasama siya sa balota. Matapos ang pagkatalo, itinanggi niyang referendum sa kanyang liderato ang resulta.

“I wasn’t on the Ballot and if I was, we would have won IN A LANDSLIDE! Thank you for your attention to this matter,” pahayag ni Trump.

Sa pagkontrol sa House, puwedeng magbukas ang Democrats ng mga imbestigasyon, humingi ng dokumento at testimonya, at ipatawag ang matataas na opisyal ng administrasyon. Posible ring muling lumakas ang panawagan para sa impeachment ni Trump, bagaman wala pang pinal na desisyon ang Democratic leadership tungkol dito.

Kontrolado na rin ng Democrats ang Senate confirmation process para sa Cabinet officials, ambassadors, federal judges at Supreme Court nominees. Nagbibigay ito sa kanila ng kapangyarihang harangin o patagalin ang mga appointment at pilitin ang White House na makipagnegosasyon sa batas. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles