Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Ex-President Duterte, obligadong dumalo araw-araw sa ICC trial simula November 30

Obligadong personal na dumalo araw-araw si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang paglilitis sa International Criminal Court (ICC) simula November 30 kaugnay ng mga kasong crimes against humanity sa madugong drug war.

Ito ang nilinaw ni Presiding Judge Joanna Korner sa huling status conference ng ICC Trial Chamber III sa The Hague, Netherlands nitong Lunes, November 2.

Pinayagan si Duterte na hindi dumalo sa naturang pagdinig matapos niyang i-waive ang kanyang karapatang humarap, ngunit hindi na ito basta papayagan sa trial proper.

“But once the actual trial starts, we will expect, as we said, [his] attendance on a daily basis,” ani Korner.

Dahil sa rekomendasyon ng medical experts, lilimitahan sa tig-iisang oras ang bawat sesyon, na may 30 minutong pahinga at isang oras na lunch break.

Apat na sesyon ang nakatakda araw-araw mula 5 p.m. hanggang 11 p.m., oras sa Pilipinas.

Sa unang araw, aalamin muna ng mga hukom kung nauunawaan ni Duterte ang mga sakdal at kung aamin o itatanggi niya ang mga ito.

Susundan ito ng opening statements ng prosecution at mga abogado ng mga biktima. Maaari ring magbigay ng maikling pambungad na paliwanag ang depensa.

May anim na oras ang prosecution at tatlong oras ang victims’ representatives para sa opening statements, bagaman posibleng paikliin ng prosecution ang kanilang presentasyon.

Binigyan din ang prosecution ng 150 oras para iharap ang ebidensya, kabilang ang limang testigo sa unang batch.

Humigit-kumulang 29 testigo naman ang inaasahang magbibigay ng testimonya sa pamamagitan ng video link.

Maghahain din ang prosecution ng pitong karagdagang aplikasyon sa ilalim ng Rule 68 bago matapos ang November.

Tatagal ang unang yugto ng paglilitis hanggang December 18 bago ang Christmas break.

Para sa 2027, iminungkahi ang mga pagdinig sa January 11 hanggang 29, February 8 hanggang 19, at March 8 hanggang 26, ngunit hindi pa pinal ang iskedyul.

Samantala, hindi pinayagan ng ICC ang kahilingan ni victims’ counsel Paolina Massidda na gumamit ng Tagalog sa ilang bahagi ng opening statement upang direktang maiparating ang mga salaysay ng mga biktima.

Ipinaliwanag ni Korner na English at French lamang ang working languages ng ICC sa ilalim ng Rome Statute.

Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga alegasyon ng pagpatay at tangkang pagpatay sa Davao City at iba pang bahagi ng Pilipinas noong 2013 hanggang 2018.

Hindi pa napapatunayan sa paglilitis ang mga sakdal laban sa dating pangulo.

Mapapanood ang mga pagdinig sa mga opisyal na online platform ng ICC na may 30 minutong delay. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles