Na para bang walang preno ang pagsirit ng presyo ng bilihin!
Mas mabilis na tumaas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo nitong October matapos pumalo sa 7.8 porsiyento ang inflation, mula sa 7.2 porsiyento noong September, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito na ang pinakamabilis na inflation mula sa 8.6 porsiyento noong February 2023. Nasa 1.7 porsiyento lamang ang rate noong October 2025, habang umabot sa 5.6 porsiyento ang average mula January hanggang October 2026.
Transport ang pangunahing nagtulak sa pagsirit. Lumobo sa 20.1 porsiyento ang transport inflation mula sa 14.6 porsiyento noong September. Umakyat din sa 9.3 porsiyento mula sa 8.4 porsiyento ang inflation sa housing, water, electricity, gas at iba pang fuel.
Sa kabuuang inflation, pinakamalaki ang ambag ng food at non-alcoholic beverages sa 2.4 percentage points. Sumunod ang housing at utilities sa 1.9 percentage points at transport sa 1.8 percentage points.
Bahagyang bumagal ang food inflation sa 6.4 porsiyento mula 6.8 porsiyento dahil sa mas mababang pagtaas ng presyo ng isda at gulay. Bumaba sa 5 porsiyento mula sa 7.4 porsiyento ang inflation sa isda, habang humupa sa 5.7 porsiyento mula sa 10.5 porsiyento ang sa gulay at iba pang kaugnay na pagkain.
Hindi nakisabay ang bigas. Lalong bumilis ang rice inflation sa 20.7 porsiyento mula sa 20.3 porsiyento. Sumipa rin ang corn inflation sa 19.3 porsiyento mula sa 17.3 porsiyento at ang sa prutas at mani sa 10.8 porsiyento mula sa 8.7 porsiyento.
Cereals at cereal products, kabilang ang bigas, mais, harina, tinapay at pasta, ang bumuo sa 72.5 porsiyento ng food inflation.
Mas mataas ang inflation sa bottom 30 percent income households. Umakyat ang kanilang rate sa 9.5 porsiyento mula sa 9 porsiyento noong September, habang nasa 6.8 porsiyento ang January-to-October average.
Tumaas din sa 5.4 porsiyento mula sa 4.8 porsiyento ang core inflation, na hindi nagsasama ng piling pagkain at energy items na pabago-bago ang presyo.
Sa National Capital Region (NCR), bumilis ang inflation sa 5.9 porsiyento mula sa 5.3 porsiyento. Mas mataas ito sa areas outside NCR, kung saan pumalo ang rate sa 8.2 porsiyento mula sa 7.6 porsiyento.
Labing-anim na rehiyon sa labas ng NCR ang nagtala ng mas mabilis na inflation. Pinakamataas ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa 9.9 porsiyento, habang pinakamababa ang MIMAROPA Region sa 6.7 porsiyento.
Pasok ang 7.8 porsiyentong inflation sa 7.1 hanggang 8.1 porsiyentong pagtataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ngunit lagpas sa 2 hanggang 4 porsiyentong target range. Itinaas ng Monetary Board noong October ang target reverse repurchase rate nang 50 basis points sa 5.50 porsiyento. /Bistado


